
BASBAS NI NANAY
732 total reads

Homiliya para sa araw ng paggunita sa kapistahan ni Santa Monica, ina ni San Agustin, 27 ng Agosto 2026, 1 Cor 1,1-9; Mateo 24:42-51.
Parang pinili talaga ang mga pagbasa natin para sa araw na ito ng paggunita kay Santa Monica, nanay ni San Agustin. Pero bago ko sabihin kung bakit, gusto ko munang ibahagi sa inyo iyung panaginip ko kagabi. Napanaginipan ko ang nanay ko.
Sa panaginip ko, binuksan ko daw ang gripo para maghilamos. Pero nagulat ako dahil ang lumabas na tubig sa gripo ay madumi. Hindi lang madumi, bulok at maitim na tubig at may kasama pang mga uod na—pagbagsak sa lababo, gumagapang kung saan-saan. Kaya napasigaw ako. Noon daw biglang dumating ang nanay ko at nagtanong, Bakit? Anong nangyari? Lumingon ako. Nakita ko siya, nakangiti. Inabot ko ang kamay niya at nagmano ako—“Mano po, ‘Nay.” Sabi niya, “Kaawaan ka ng Diyos.” Sabi ko, “Tingnan mo, Nay, grabe, ang dumi ng tubig na lumalabas sa gripo. May mga uod pa nga! Pero pagtingin kong muli sa gripo, ang dumadaloy na tubig ay malinis na! Wala na kahit tilamsik ng maduming tubig na una kong nakita, at wala na ring mga uod. Paglingon kong muli, wala na si nanay. Doon natapos ang panaginip.
Ewan ko kung ano kaya ang interpretasyon ng panaginip kong iyon. Pero siguro tinyempuhan ng nanay ko yung araw ng kapistahan ng isang nanay—si Santa Monica, na talagang gumawa ng lahat ng paraan upang mapalapit ang anak niyang si San Agustin sa Panginoong HesuKristo.
Kaya ang basa ko doon sa last paragraph ng ating first reading mula sa introduction ng unang sulat ni San Pablo sa mga taga-Korinto, parang mga salita na personal na ina-address ni Santa Monica sa anak niyang si San Agustin. Siyempre ang mga taga-Korinto ang kausap ni San Pablo kaya ina-address sila bilang KAYO (second person plural). Palitan natin ang second person plural ni St. Paul, gawin nating second person singular. At pakinggan natin na parang ang nagsasabi ay si Santa Monica kay San Agustin:
“Alam mo, lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa iyo sa pamamagitan ng iyong pakikipagkaisa kay Kristo Hesus. Dahil sa iyong pakikipagkaisa sa kanya, pinaunlad ka ng Diyos sa lahat ng bagay, sa pananalita at karunungan. Dahil dito, napatunayan sa iyo na ang mga itinuro ko tungkol kay HesuKristo ay totoo. Kaya hindi ka kinukulang sa anumang kaloob na espiritwal habang hinihintay mo ang pagbabalik ng ating Panginoong HesuKristo. Sana’y panatilihin ka niyang matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang ikaw ay maging walang kapintasan sa araw ng kanyang pagdating. Tapat ang Diyos na tumawag sa iyo na makipagkaisa sa kanyang Anak na si HesuKristo na ating Panginoon.”
Ang ganda, di ba? Parang akmang-akma sa kapistahan ni Santa Monica, at sa lahat ng hinangad niya para sa anak niyang si Agustin, na sa kalaunan—dahil sa marubdob na panalangin niya ay dumanas ng conversion experience. Hindi lang siya na-convert dahil sa paggabay sa kanya ni San Ambrosio ng Milan at nabinyagan. Naordinahan siya sa pagkapari at naging obispo siya ng bayan ng Hippo.
Ewan ko kung anong pinagdasal ng nanay ko para sa akin. Ang alam ko lang, noong seminarista pa ako, proud na proud siya na magkaroon ng anak noon na nagpapari—na kung minsan kina-iirita ko naman. Kasi kapag bakasyon at nasa bahay ako, gusto niya pag magsimba siya, sasabayan ko pa siya ng lakad papunta sa simbahan. Pero nagkaroon ng punto na dahil sa pagka-irita, ayaw ko nang siyang sabayan.
I remember, minsan ginigising niya ako para magsimba. Sabi ko, “Inaantok pa ako, Nay. Ikaw na lang.”. Hinayaan naman niya ako at hindi nangulit. Di niya alam, habang nagbibihis siya, tumayo ako at nagbihis nang mabilis. Tumakbo ako at inunahan ko pa siya sa simbahan. Dumiretso ako sa sacristy at nagserve pa ako sa Misa. Pagdating niya sa simbahan at pagtingin sa altar, nagulat na lang siya at napangiti. Nakuha niya yung punto. Parang ang message ko sa kanya ay, “Nay, hindi naman ako magsisimba dahil sa’yo. Magsisimba ako kasi gusto ko rin talagang magsimba. So hindi mo ko kailangang kulitin.” Palagay ko naintindihan ‘yun ng nanay ko, dahil mula noon hindi na niya ako kinulit.
Sa tingin ko, parang ganyan din ang naging relasyon ni San Agustin sa nanay niya. Medyo may kakulitan din kasi si Santa Monica. Nagpursigi siya talaga para mailapit ang anak niya sa Panginoong HesuKristo, at hindi naman siya nabigo. Pero alam din ni Santa Monica kung kailan pwede na siyang tumabi. Kasi ang Panginoon na mismo ang kumikilos para dumaloy talaga ang kanyang grasya sa anak niya, na noong una’y nasasanay na sa maduming klase ng pamumuhay.
Ayun. Yun siguro ang interpretasyon ng aking panaginip. Noong una, maduming tubig ang dumadaloy. Sa kalaunan, luminis ito. Lumingon kasi ako at nagmano, humingi ng basbas sa kanya. At dumaloy nga ang grasya mula nang maipakilala niya sa akin si HesuKristo, ang bukal ng buhay na walang hangan.









