MIYERKULES, AGOSTO 31, 2022

SHARE THE TRUTH

 494 total views

Miyerkules ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Corinto 3, 1-9
Salmo 32, 12-13. 14-15. 20-21

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Lucas 4, 38-44

Wednesday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 3, 1-9

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, hindi ko kayo makausap tulad ng ginagawa ko sa mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay ayon sa laman, mga sanggol pa sa pananampalataya kay Kristo. Binigyan ko kayo ng gatas, hindi matigas na pagkain, sapagkat ito’y hindi pa ninyo kaya. At hindi pa ninyo kaya hanggang ngayon sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Mayroon pa kayong inggitan at alitan at iya’y nagpapakilalang makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinabi ng isa, “Ako’y kay Pablo,” at ng iba, “Ako’y kay Apolos,” hindi ba tanda iyan na kayo’y namumuhay pa ayon sa laman?

Sapagkat sino si Apolos? At sino si Pablo? Kami’y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananalig kay Kristo. Ginagawa ng bawat isa ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim ni ang nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos na siyang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay kapwa manggagawa lamang at bawat isa’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagpapagal. Kami’y parehong manggagawa ng Diyos, at kayo ang bukirin niya. Kayo rin ang gusali ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 14-15. 20-21

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Mapalad ang bansang ang Poon ang Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kayang nilalang.

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
Ang isip nila’y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

ALELUYA
Lucas 4, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 4, 38-44

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, umalis si Hesus sa sinagoga at nagtungo sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyanan ni Simon, kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na pagalingin siya. Tumayo si Hesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala nga ito. Noon di’y tumindig ang maysakit at naglingkod sa kanila.

Paglubog ng araw, ang lahat ng maysakit — anuman ang karamdaman — ay dinala ng kanilang mga kaibigan kay Hesus. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Nagsilabas sa marami ang mga demonyo, sabagay sigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Hesus at hindi pinahintulutang magsalita, sapagkat nakikilala nila na siya ang Mesias.

Nang mag-umaga na, umalis si Hesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag munang umalis. Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang bayan ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos; sapagkat iyan ang layunin ng pagkasugo sa akin.” At nangaral siya sa mga sinagoga sa Judea.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Katulad ng mga taong nagdala kay Jesus ng lahat ng maysakit o sinasapian ng demonyo, dalhin natin sa ating makalangit na Ama ang lahat ng mga taong puspos ng paghihirap, pagkalumbay at nangangailangan ng mapagpagaling na pagmamahal.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na manggagamot, pagalingin Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y mapalaya ang mga tao sa anumang hadlang upang maipahayag ang Ebanghelyo sa mga lalaki at babae sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang nagugutom na daigdig lalo na ang mga hindi makatarungang pinagkaitan ng pagkain, damit o kalayaan nawa’y busugin ng Panginoon ng pag-asa at kalakasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa sa pag-aalala at pagkabahala nawa’y makatagpo kay Kristo ng sandigan bilang Daan, Katotohanan, at Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa dahil sa pagkakasakit, at may mabigat na pasanin sa buhay, nawa’y makita ang higit na kahulugan ng kanilang buhay sa pagsubok na kanilang hinaharap, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao at nagdadalamhati nawa’y magkaroon ng pag-asa sa Muling Pagkabuhay ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, bantayan mo ang iyong pamilya; iligtas at arugain kami sapagkat nasa iyo ang lahat ng aming pag-asa. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristo aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi lang ‘for the content’

 39,226 total views

 39,226 total views Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.  Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video

Read More »

DUMARAMI ANG NAGUGUTOM NA PILIPINO

 213,160 total views

 213,160 total views Puro politika…puro grandstanding….political manuevering… political interest…political survival! Kapanalig, ito ang nangingibabaw ngayon na usapin sa bansa. Puro para sa kanila, lahat para sa

Read More »

FAILURE OF LEADERSHIP

 190,793 total views

 190,793 total views political dynasty ay maituturing na “shameful event” sa kasaysayan ng tinatawag na “AUGUST CHAMBER”. Kapag bahagi ka ng AUGUST CHAMBER, maituturing ka dapat

Read More »

Trabaho lang, walang personalan

 253,515 total views

 253,515 total views Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“

Read More »

Serbisyo para kanino?

 270,305 total views

 270,305 total views Mga Kapanalig, si Senador Alan Peter Cayetano na ngayon ang bagong Senate President, kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.  Marami sa mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Huwebes, Mayo 28, 2026

 1,346 total views

 1,346 total views Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggang at Dakilang Pari (A) Genesis 22, 9-18 o kaya Hebreo 10, 4-10 Salmo 39, 7-8a. 10-11ab. 17 Handa

Read More »

Miyerkules, Mayo 27, 2026

 3,010 total views

 3,010 total views Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin ng Kanterberi, obispo 1 Pedro 1, 18-25 Salmo 147, 12-13.

Read More »

Martes, Mayo 26, 2026

 4,667 total views

 4,667 total views Paggunita kay San Felipe Neri, pari 1 Pedro 1, 10-16 Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4 Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog

Read More »

Lunes, Mayo 25, 2026

 3,961 total views

 3,961 total views Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Sambayanan Genesis 3, 9-15. 20 o kaya Mga Gawa 1, 12-14 Salmo 87, 1-2. 3. at

Read More »

Linggo, Mayo 24, 2026

 3,239 total views

 3,239 total views Linggo ng Pentekostes (A) Mga Gawa 2, 1-11 Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34 Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top