336 total views
Tiniyak ng Aid to the Church in Need Philippines ang pagbibigay suporta at tulong sa Apostolic Vicariate of Jolo kasunod ng naganap na dalawang pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral o mas kilala bilang Jolo Cathedral sa kasagsagan ng Banal na Misa noong Linggo ika-27 ng Enero.
Ayon kay Aid to the Church in Need Philippines National Director Jonathan Luciano, makakaasa sina Rev. Fr. Romeo Saniel, Apostolic Administrator ng Jolo at Cotabato Archbishop-elect Angelito Lampon sa pagsuporta at pakikiisa ng ACN sa muling pagbangon at patuloy na pagpapatatag ng pananampalataya ng mga Kristyano’t Katoliko sa lalawigan.
“Patuloy ang suporta ng Aid to the Church in Need at siniguro po natin kay Fr. Romeo Saniel at ganun din po kay Archbishop Lito Lampon na ipagpapatuloy po ang pagsuporta ng ACN Philippines sa Jolo, matagal na pong sinusuportahan ng Aid to the Church in Need ang Apostoic Vicariate ng Jolo at ngayon po higit po na makikiisa, magiging kaisa ng Apostolic Vicariate ng Jolo ang Aid to the Church in Need sa patuloy na pagbangon dito po sa pangyayaring ito at sa patuloy na pagpapalaganap po ng ating pananamapalataya…” pahayag ni Luciano sa panayam sa Radyo Veritas.
Samantala, inihayag rin ni Luciano ang nakatakdang pagtungo sa Apostolic Vicariate of Jolo ng ilang mga kinatawan mula sa Aid to the Church in Need Philippines upang personal na makita at masuri ang epekto ng dalawang pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral.
Ipinaliwanag ni Luciano na mahalagang makita ng mga kinatawan ng ACN Philippines ang sitwasyon sa lalawigan upang mas epektibong makapagkaloob ng tulong sa Apostolic Vicariate of Jolo para mabilis na makabangon mula sa naganap na madugong insidente.
Batay sa pinakahuling tala ng mga otoridad umaabot na sa mahigit 20 ang nasawi habang mahigit naman sa 100 ang sugatan sa naganap na dalawang pagsabog sa loob at labas ng Jolo Cathedral.
Ang ACN Philippines ay bahagi ng Pontifical Foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need (ACN) na naitatag noong 1947 bilang isang Catholic aid organization na kinilala bilang Papal Foundation noong 2011 na nagbabantay sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso sa mga migrants at refugees at maging sa mga kaso ng religious persecution sa iba’t ibang bansa
Batay sa Catholic Directory of the Philippines may aabot sa 29,500 ang bilang ng mga mananampalatayang Katoliko sa Apostolic Vicariate of Jolo mula sa mahigit 1.7-milyong kabuuang populasyon sa lugar.