160 total views
Nanawagan ang Arsobispo ng Nueva Segovia sa mga awtoridad na beripikahin ang mga ulat tungkol sa banta ng terorismo sa mga Simbahan sa Luzon.
Tiwala naman si Archbishop Marlo Peralta na gagampanan ng pulisya ang kanilang tungkulin sa pagtiyak sa seguridad ng mamamayan.
“Nanawagan ako sa PNP na it’s their duty to verify kung may katotohanan i-secure nila yung mga simbahan,” pahayag ni Archbishop Peralta sa panayam ng Radio Veritas.
Ikinatuwa ng Arsobispo na mula nang lumabas ang babala ng Armed Forces of the Philippines Northern Luzon command sa bantang pag-atake ng teroristang ISIS ay naging alerto ang mga pulis sa paligid ng Metropolitan Cathedral of the Conversion of St. Paul the Apostle o mas kilalang Vigan Cathedral na isa sa mga target ng ‘Church Crusade’ ng teroristang grupo.
Hinimok din ni Archbishop Peralta ang mananampalataya na magtiwala sa pulisya at manatiling mapagbantay sa paligid at ugaliin ang pananalangin sa Panginoon na maiadya sa anumang banta ng karahasan at kaguluhan.
Bukod dito, hindi rin isinantabi ng Arsobispo ang hinalang kagagawan lamang ito ng masasamang loob upang magdulot ng takot at pangamba sa mamamayan na maaring gawing daan para maghasik ng karahasan sa pamayanan.
“Kung minsan ang mga bantang ito baka gawa-gawa lang ng masasamang elemento na they want to create fear among our people kasi if they can saw panic or fear sa mga tao then they can do what they want kasi fear is also power,” ani ng Arsobispo.
Samantala, pinaiigting rin ang seguridad sa mga Simbahan sa Ilocos Norte kung saan nasasakop ang Laoag City na kabilang din sa sinasabing target ng mga terorista.
Ayon kay Laoag Bishop Renato Mayugba, nagtulungan ang Simbahan at lokal na pamahalaan upang ipatupad ang mahigpit na pagbabantay sa paligid ng simbahan partikular tuwing Linggo.
“With this threat, the police force is visible in the vicinity of our churches to secure our people,” ani ni Bishop Mayugba sa Radio Veritas.
Hinikayat ni Bishop Mayugba ang mamamayan na ipagbigay alam sa awtoridad ang mamapansing kahina-hinalang indibidwal upang maimbestigahan at makatulong maiwasan ang pagsiklab ng karahasan.
Magunitang nitong Enero lamang ay dalawang beses na pinasabog ng mga suicide bomber na kasapi ng local terrorist group ang Jolo Cathedral na ikinasawi ng 20 katao habang higit sa 100 naman ang nasugatan.
Tiniyak naman ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang masusing pag-imbestiga sa katotohanan sa nasabing ulat habang pinayuhan ang mamamayan na manatiling kalmado sa kabila ng banta ng terorismo sa bansa.