53,600 total views

Homiliya para sa Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon – Oktubre 5, 2025 (Lk 17:5-10)
Noong una, akala ko nagkamali si San Lucas sa pagkakasalaysay niya ng kwento ni Hesus tungkol sa alipin at ang kanyang amo. Kung ang gusto lang niyang idiin ay ang kababaang-loob ng alipin, dapat sana’y sa alipin nakatuon ang kwento mula sa umpisa. Pero bakit sinimulan niya ang kuwento sa isang tanong na nag-aanyaya sa mga alagad na ilagay ang sarili sa panig ng amo? “Sino sa inyo ang magsasabi sa alipin niya matapos nitong magpastol at mag-araro sa bukid na kumain muna ito pag-uwi sa bahay ng amo?”
Parang baligtad, di ba? Dapat sana ganito ang tinanong niya: “Sinong alipin na pagkagaling nito sa bukid, matapos mag-araro at mag-pastol ng mga tupa, ay aanyayahan ng amo niya na umupo at kumain?” Kung ganito ang naging simula, mas logical ang magiging dating ng conclusion ng parable: “Ganyan din kayo. Kapag nagampanan na ninyo na ang inyong tungkulin, sabihin ninyo, ‘Kami po’y mga abang alipin lamang, ginawa ko lang po namin ang aming tungkulin.’”
Ang problema, sa bersyon na binasa natin kay San Lucas, ang atensyon sa simula ay nasa amo. At kung tutuusin, parang napakalupit ng ugali ng amo sa kwento. Kagagaling lang ng alipin mula sa pag-papastol at pag-aararo, pagod at siguradong gutom dahil sa mabigat na trabahong bukid. Pero imbes na hayaan munang magpahinga o kumain, uutusan pa ulit niya ito na magluto, maghain sa mesa amo, at maghugas pa ng plato pagkatapos. Parang walang pakiramdam ang amo; walang malasakit, parang hayop ang trato sa alipin. Makatao ba iyon? Hindi kaya talagang pinag-ri-react tayo ni San Lukas?
Kung ako ang magbibigay ng pamagat sa talinghagang ito, tatawagin ko itong “Ang Kuwento ng among mapang-abuso.” Mabuti na lang at wala pang CCTV noon, at wala pang social media. Kung meron at nakunan ito ng video, baka trending agad ang video ng amo at viral ang galit ng mga tao!
Kaya naman, nang sabihin ni Hesus sa dulo ng kwento na ang alipin ay di dapat maghintay ng pasasalamat, kundi sabihing, “Walang kwentang alipin lang kami; ginawa lang namin ang aming tungkulin,” parang may kumukulo sa dibdib mo. Parang gusto mong sabihing, “Sandali lang! Hindi ba’t katatapos lang nyang mag-araro at magpastol sa mga tupa? Tapos uutusan siya ulit at sasabihin pa niya na walang siyang kwenta?”
Pero sa mas malalim na pagninilay, palagay ko sinadya talaga ni Hesus ang ganitong paraan ng pagkukwento—para ipamukha sa mga nakikinig kung sino talaga sa dalawa ang nawawalan ng dangal sa iniaasta nila: ang amo o ang alipin?
Sa ganitong paraan parang naididiin ni Hesus ang ganitong punto: “Kahit anong kalupitan ang gawin sa iyo, hindi nila kayang agawin ang dangal ng iyong pagkatao kung hindi mo ito hahayaan.”
Naipakita Niya ito sa sarili Niyang buhay—nang siya’y hubaran, sampalin, kutyain, at ipako sa krus. Sino ang tunay na nawalan ng dangal? Hindi si Hesus, kundi ang mga umapi sa Kanya.
Iyan ang unang punto natin: ang karahasan o pang-aabuso ay hindi kailanman kayang agawin ang dignidad ng taong marunong magmahal at magpakumbaba. Ang tunay na kawalan ng dangal ay nasa panig ng umaapi, hindi ng inaapi.
Ang ikalawang punto: ang tunay na lingkod ay hindi kailangang ipagmalaki ang kanyang serbisyo. Hindi siya nagbibilang ng ginawa, hindi naghihintay ng gantimpala o papuri.
Parang ganito: nasa isang kainan ka at may naiwan kang bag sa upuan na may lamang malaking halaga. Nakita mo ito at ibinalik mo sa may-ari. Labis siyang natuwa, kinunan ka ng video, ipinost sa social media, at biglang nag-viral. Tinanong ka ng mga tao kung binigyan ka ng “reward.” Sagot mo: “Hindi na kailangan. Maliit na bagay lang iyon. Ginawa ko lang naman ang tama. Itinuro kasi sa akin sa kindergarten na huwag kukunin ang hindi akin.”
Ganyan dapat ang ugali ng Kristiyano—gumagawa ng mabuti hindi para mapansin, kundi dahil iyon ang tama. Kapag para bang napaka-big deal na sa lipunan ng ganitong pagmamalasakit o paggawa ng kabutihan, baka ibig sabihin wasak na ang lipunan na iyun. Di na normal o pangkaraniwan ang maging tapat.
Sa isang taong gumagawa ng dapat gawin na walang hinihintay na gantimpala o recognition, simple language ang statement niya. Ibig sabihin, ineexpect lang niya na ganyan din ang gagawin ng iba kung siya naman ang mawalan. Ang kabutihan ang dapat gawing normal, karaniwan, hindi pambihira hindi ang kabaligtaran.
Naalala ko tuloy ang isang taong nagtanong sa akin dati: “Bishop, hindi ba’t sa lahat ng parabula, ang amo ay palaging kumakarawan sa Diyos?” Sagot ko: “Ay, hindi palagi. Minsan, may mga talinghaga rin kung saan ang kumakatawan sa Diyos ay hindi ang amo kundi ang katiwala o alipin.”
Halimbawa, sa talinghaga ng puno ng igos na hindi namumunga, gusto na ng amo na ipaputol ito dahil wala daw silbi. Pero ang hardinero—ang alipin—ang nakiusap sa amo, “Sir, Bigyan pa po natin ng isang taon.” Siya ang larawan ng Diyos ng habag at malasakit.
Ganoon din sa Ebanghelyo ngayon: hindi ang amo na napaka-demanding ang nagri-represent sa Diyos, kundi ang utusan na laging nakalaan na maglingkod, walang reklamo, walang hinihintay kapalit.
Naalala ko tuloy ang yumaong Obispo Claver. Mahilig siyang magtrabaho sa garden na nakasuot parang janitor. Isang araw, may bisitang dumating at nag-akalang hardinero itong nadaanan niya. “Manong, nandiyan ba si Bishop?” tanong ng bisita. Sagot niya, “Oho.”
Sabi ng bisita, “Pakibaba mo nga itong regalo ko sa kanya, mabigat kasi. Idiretso mo na sa kusina. Saan nga ba si Bishop?”
Sagot niya, “Diyan lang po sa bahay, diretso lang kayo at tumimbre sa pintuan.”
Dinala ng bisita ang sako ng mais sa kusina. Nang lumabas na ang obispo suot ang kanyang sutana, halos matulala ang bisita—ang inutusan pala niya ay si Bishop Claver na mismo!
Ganyan ipinakilala ni Hesus ang Diyos sa atin—hindi bilang Amo na nag-eexpect ma paglingkuran sita, kundi bilang Diyos na marunong maglingkod.
Sabi Niya sa Lk 22:27, “Sino ang mas dakila, ang nakaupo sa hapag o ang naglilingkod? Hindi ba’t ang nakaupo? Ngunit ako ay nasa gitna ninyo bilang naglilingkod.”
Ang Diyos na naglilingkod—iyan ang Diyos ni Hesus. At kung gusto nating maging tunay na mga alagad Niya, dapat ganito rin tayo: hindi naghahanap ng gantimpala, kundi masaya sa mismong gawain ng paglilingkod. Sa wikang Frances, kapag pinakiusapan kang gawan mo ng pabor ang isang tao, ang isasagot ay “Oui, madame, avec plaisir!” Opo mam, ikatutuwa ko po ang mapaglingkuran kayo.
Dahil sa huli, iyon ang tunay na kabanalan: kapag ang paglilingkod ay nagiging likas, at ang kabutihan ay nagiging ugali, hindi palabas.




