184 total views

Homiliya para sa Martes Santo, 31 Marso 2026, Jn 13:21-33, 36-38
Nang sabihin ni Hesus na may isa sa kanila na magtataksil sa kanya, para na rin niyang inanunsyo na nagsimula na ang matinding labanan na kailangan niyang harapin sa mga susunod na araw. Pero ang kalaban niya ay hindi ang mga otoridad, hindi si Pilato, hindi rin ang mga punong saserdote na matagal nang nagplanong iligpit siya. Hindi rin si Judas Iscariote. Kung hindi sila, sino? Si Satanas.
Noong una, akala ko ang itinuturo ni Hesus na paraan ng pakikipaglaban ay katulad ng pilosopiya ng Aikido ng mga Hapones. Akala ko iyon ang tinutukoy na paraan ng ating unang pagbasa tungkol “Mahiwagang Lingkod ng Diyos”—na parang nagpapahayag ng hinaing. Para daw siyang espadang kabilaan ang talim, o isang matulis na pana na bagong hasa, pero imbes na gamitin na panlaban sa kaaway ay itinago.
Kaya ko naisip ang Aikido, dahil ang prinsipyo ng martial arts na ito ay hindi upang manakit kundi ang matutong umilag sa mga suntok o pag-atake ng kalaban. Parang sayaw ang Aikido. May disiplina. Inuunahan ang kalaban, pinakikiramdaman kung ano ang susunod niyang hakbang. Dapat maliksi sa pag-iwas sa pagsugod ng kalaban. Na kung ibig mo siyang talunin, hayaan mo lang siyang bumagsak sa sariling bigat niya. Pagharap sa karahasan sa paraang hindi gumagamit ng dahas. Minsan tinatawag ito na “active nonviolence” sa Ingles.
Mukhang mas radikal pa kaysa Aikido ang itinuturo ni Hesus sa kanyang mga alagad. Pati ang kalaban dapat daw mahalin. Ibig sabihin, kahit kailan huwag hangarin ang pagkasira ng sinumang tao, kahit iyung nakasakit sa iyo. Consistent si Hesus sa paniwala niyang walang taong likas na masama. Na lahat tayo ay likas na mabuti pero puwedeng mahulog sa bitag ni Satanas at makagawa ng masama.
Kaya ang tunay na kalaban para kay Hesus ay ang katunggali na hindi nakikita. Sabi ni San Juan sa ebanghelyo, “Pagkatanggap ni Judas ng tinapay kay Jesus, sinaniban siya ni Satanas.” Pagtataksilan na nga siya, iniisip pa rin niya ang kakailanganing pamatid-gutom ni Judas paglabas niya. Ang panlaban ni Jesus sa kataksilan ay pag-ibig na walang kundisyon, hindi takot masaktan, handang magpatawad at naghahangad ng kaligtasan—hindi lang para sa mga mabubuti at mababait kundi higit sa lahat sa mga naliligaw ng landas at nalilinlang ng tunay na kalaban. Ang pantubos niya ay buhay niya.
Kaya pala hindi tayo tinuruan ni Jesus na itakwil ang sinuman, maging ang mga taong may atraso sa atin. Isang kaaway lang ang itinuro niyang itakwil natin: si Satanas, ang kanyang mga hungkag naliligaw pangako, at ang pang-aakit sa masama.
Sana isaisip natin ito habang humaharap tayo sa malalaking hamon sa ating panahon—ang hamon ng pagbabalik sa uso ng prinsipyong matira ang matibay, ang pamamayani ng lakas ng dahas na nagdudulot ng matinding kaguluhan at pagdurusa sa napakaraming mga tao. Gayundin ang pagharap natin sa hamon ng korapsyon at pananaig ng politika ng pagpapatron.
Sa mga darating na araw, matuto tayo sa mga aral na ituturo ng ating guro sa disipina ng labanan na espiritwal. Ibang klaseng talino, ibang klaseng lakas ang dulot ng Espiritu Santong kaloob niya sa atin. Kaya pala sinabi niya kay Pedro, “Sa ngayon, hindi pa ninyo ako masundan sa aking paroroonan, pero sa kalaunan, masusundan nyo rin ako.” Hindi pa, dahil kailangan pa niyang isugo ang tunay natin panlaban at patnubay: ang Espiritu Santo.






