285 total views
Taun-taon, halos lahat ng tao nasasabik sa Pasko palaging inaabangan sa mga countdown. Ngunit bakit nga ba inaabangan natin ang Pasko? Petsa lamang ba ito at panahon na dumarating, lumilipas din? Kung gayon lang ang Pasko, bakit hindi na lang tayo magbilang ng araw Bagong Taon pa man?
Higit sa petsa at panahon ang Pasko dahil ito ay ang Diyos na naging Tao; ang Pasko ay si Hesu-Kristo na sumilang noon sa mundo at dumarating pa rin sa puso ng bawat tao kaya't itong Pasko ay isang katotohanan, isang kaganapan nang ang Diyos ay makialam at pumasok sa ating kaguluhan, pinunan marami nating kakulangan, pinawi mga kasalanan, pinalitan ng kanyang kabanalan upang buhay natin ay maging makabuluhan.
Sa panahon pa ring ito ng pandemya, sana atin nang mapagtanto ang Pasko ay hindi tanong ng kung ANO kungdi ng kung SINO inaabangan na tanging si Hesu-Kristo, dumarating hindi sa sabsaban kungdi sa ating puso at kalooban kung saan nagmumula ating mga gulo at kadiliman; sikaping matagpuan Kanyang bakas sa ating mga mukha upang tayo'y makipag-kapwa at maranasan Kanyang kapanatilihan kesa tayo magbilang ng mga petsa at buwan.
