178 total views
Inihain na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni Kabayan Partylist Representative Harry Roque ang Anti-ENDO bill.
Inihayag ni Roque na layunin ng panukala na magtakda ng “objective standards” sa pagkakaroon ng “comparable employment.”
Iginiit ni Roque na bagamat sinabi ng ilang mga employers na ipinapatupad na nila ang batas ay kailangan pa itong linawin at higpitan.
Nakapaloob sa panukala na makukulong ng 6 na buwan hanggang 10-taon ang sinumang employer na lumalabag sa batas.
“Ang bago dito sa aking panukalang batas, ito ay nagpapatong ng parusang pagkakakulong mula anim na buwan hanggang sampung taon. Sa korporasyon o mga tao na lumalabag dito sa ‘Anti – Endo Law.’ Ang mekanismo naman dun sa aking panukalang batas ay magkakaroon tayo ng pag-aaral base sa mga objective standards kung may ‘comparable employment,’” bahagi ng pahayag ni Roque sa panayam ng Veritas Patrol.
Sa pinakahuling survey ng SWS sa unang quarter ng taong 2016, pumalo sa mahigit 11-milyong Filipino ang walang trabaho sa bansa.
Ayon naman sa Philippine Association of Legitimate Service Contractors, Inc o PALSCON, nasa 850,000 manggagawa ang ‘contractual’ noong 2015, mas mataas sa 600,000 noong 2014.
Sa Compendium of the Social Doctrine of the Catholic Church, kinakailangan na sa bawat programa ng estado ay makikinabang ang mayorya gaya na lamang ng tamang pasahod at kaukulang serbisyo sa mga manggagawa para sa kanilang pag-unlad at maging ng lipunan.