196 total views
Nararapat na dumaan sa tamang proseso ang paglilitis sa limang heneral na pinangalanan ni President Rodrigo Roa Duterte na sinasabing protektor ng mga sindikato ng illegal na droga.
Ayon kay Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director of Institute for Political and Electoral Reform, hindi nararapat madaliin ang proseso ng pagdinig sa limang heneral na kinilala ng Pangulo hangga’t wala pa ring sapat na ebidensya na magpapatunay sa mga paratang.
“Tingin ko from his view convince siya dito sa kaso laban sa lima kaya sinabi na niya, hindi naman niya minadali yun kasi binigay naman niya kay Chief PNP Dela Rosa ang pag-aayos ng proseso, kaya kinakausap today yung lima, whether naniwala si Dela Rosa sa kanilang bersyon ay hindi natin malalaman pero assuming na tama yung mga sinasabi ng Presidente malamang may kaso na yan, baka arestuhin pa yan in the coming days…” pahayag ni Veritas Casiple sa Radio Veritas.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-69 na anibersaryo ng Philippine Air Force ay pinangalanan ni President Duterte sa kanyang talumpati ang limang Heneral na sinasabing protektor ng mga sindakato ng illegal na droga sa bansa.
Ito ay sina General Marcelo Garbo, General Vicente Loot –na isa ng alkalde sa Cebu, General Bernardo Diaz –dating Regional Director ng Region 11, General Joel Pagdilao –dating Regional Director ng National Capital Region Police Office at General Eduardo Tinio –na dating Quezon City Police District Director.
Samantala, una na ngang nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga prosecutors at mga hukom na manatiling matibay sa pagpapairal ng batas at katarungang panglipunan sa lahat maging sa mga nagkasala.