226 total views
Nagsasagawa ng sama-samang pagkilos ang Simbahang Katolika laban sa mga extractive industries na sumisira sa kalikasan.
Ayon kay Fr. Dakila Ramos, head minister ng Lipa Archdiocesan Ministry on environment, patuloy ang panghihimok ng kanilang grupo sa mga mamamayan ng Lobo Batangas na huwag panghinaan ng loob sa pag protekta sa kanilang bayan.
Dagdag pa rito, regular na nagsasagawa ng lakad-dasal ang kanilang grupo, upang ipanalangin ang pagbabago ng isip ng mga nahalal na opisyal na pabor sa pagbubukas ng mga minahan at pagtatayo ng coal-fired power plants sa lalawigan.
“Mariing tinututulan ng Simbahan at ng iba’t ibang organisasyon na nangangalaga sa kalikasan ang pagkawasak sa kalikasan lalo’t higit ang mining at coal sa Batangas, at sa dami ng taong concerned, patuloy po kaming nananawagan.” Pahayag ni Fr. Ramos sa Radyo Veritas.
Hiniling rin ni Fr. Ramos sa mga pulitiko na nanalo noong nagdaang eleksyon na panindigan ang kanilang sinumpaang pangako na hindi ito magpapadala sa salapi at isa ang pangangalaga sa kalikasan ang kanilang tututukan.
“Sana po yung mga nanalong kandidato na manunungkulan ngayon, ay gawin nila yung kanilang pangako para sa bayan, kasi ngayon na ngangamba ang lahat na baka matuloy yung pagmimina, baka matuloy yung iba’t ibang coal na s’ya namang alam natin na nakasisira sa lahat.” Dagdag ni Fr. Ramos.
Dahil dito, umaasa ang pari at ipinagdarasal na maging kaisa ng Simbahan ang susunod na administrasyon sa pangangalaga sa kalikasan.
“Patuloy po yung aming pagdadasal, patuloy po ang aming pakikibaka, at sana po sa lahat ng nakikinig patuloy po nating ipagdasal hindi lang po ang Batangas kundi ang buong Pilipinas, sana sa darating na Duterte Administration ay sana patuloy ang pagbabago, pagbabago na hindi iniisip ay ang sarili kundi kapakanan ng bayan.” Ayon pa sa pari.
Samantala, matatagpuan sa Lobo, Batangas, ang Verde Island Passage na tinaguriang “Center of the Center of the World’s Marine Biodiversity”, dahilan upang mahigpit na protektahan ng mga lokal na residente ang lugar.
Napag-alaman na plano ng kumpanyang J-G Summit Holdings Inc. na magtayo ng 600 Megawatts Coal Fired Power Plants, sa Lobo Batangas na tiyak na makaaapekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayang naninirahan dito.
Sa tala, sa kasalukuyan ay mayroong 19 pasilidad ng Coal Fired Power Plants sa Pilipinas, habang nakaamba pang magtayo ng karagdagang 27 na pasilidad ng coal Fired power plants hanggang taong 2020.
Bukod dito, ayon sa Mines and Geosciences Bureau ay umabot na sa 47 large scale mining ang nag o-operate sa bansa sa kasalukuyan.
Dahil dito, una nang iminungkahi ni Pope Francis, sa encyclical nitong laudato si ang pagpapalawak ng pag-gamit sa renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.
Samantala, sa Ensiklikal na Laudato Si, pinuna ni Pope Francis ang hindi makatarungang gawain ng mga multinasyonal na kumpanyang nagmimina, mula sa mga maunlad na bansa o First World Countries.
Aniya pagkatapos ng kanilang mga aktibidad, sa kanilang paglisan ay nag iiwan sila ng malalaking pasanin sa mga tao at sa kalikasan tulad ng kawalan ng trabaho, mga bayang inabandona, pagkaubos ng likas na pagkukunan, pagkakalbo ng kagubatan, pagkalugi ng agrikultura at paghahayupang lokal, mga bukas na hukay, uka-ukang burol, maruruming ilog at maliliit na serbisyong panlipunan na hindi na maaaring mapagpatuloy.