211 total views
Kapanalig, sa mga urban areas sa bansa, madadama natin ang malakas na partisipasyon ng kababaihan sa lipunan. Sa kanayunan, ibang iba ang sitwasyon ng maraming Pilipina. Taliwas sa kanilang mga urban counterparts, maraming mga babae sa rural areas ay mas sikil at hindi kasing-laya.
Sa rural areas, mas mataas ang poverty rate. Kung titingnan natin ang mga opisyal na datos, mas mataas ang antas ng kahirapan sa mga probinsya, gaya ng Lanao del Sur at Eastern Samar. Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 67.3% ang poverty rate sa Lanao del Sur habang 55.4% naman sa Eastern Samar. Ang kahirapan, kapanalig, ay balakid sa masiglang paglahok ng kababaihan sa lipunan. Ang mukha ng kahirapan, kapanalig, ay babae.
Ang kahirapan kasi ay nangangahulugang kulang ang access ng mga kababaihan sa mga batayang serbisyo, mula edukasyon, kalusugan, pati financing. Kulang sila sa support system na magbibigay sa kanila ng proteksyon at tulong sakaling kailangan nilang may mag-aalaga sa kanilang anak kung kailangang magtrabaho, magkaroon ng sakit ang kahit sinuman sa kanilang pamilya, o magkuilang ang budget para sa kanilang mga panguhaning pangangailangan.
Dapat lamang na bigyan nating pugay at suporta ang mga kababaihan sa kanayunan. Malaki ang bahagi nila sa ating lipunan, kahit pa ang kahirapan ay isang malaking balakid sa kanilang buhay. Pagdating sa food production, mga 25 oras kada linggo ang ginugugol ng mga babae sa kanayunan. Hinahati hati nila ang kanilang oras para sa pamilya, paghahanap ng capital, pagtatanim, at pagbebenta ng panananim. Ayon sa isang pag-aaral ng Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKK), sa isang araw, walo hanggang labing isang oras ang ginugugol nila para sa agrikultura: hindi lamang sa pagtatanim kapanalig, kundi sa paghahanap ng capital, pag-aani, paghanda ng produkto, at pagbebenta ng mga ito.
Ang nakakalungkot kapanalig, hindi lahat ng serbisyo na ito ay bayad; at kung bayad man, maliit lamang ito, mas maliit pa sa bayad sa mga lalaki. Base sa datos ng Department of Labor and Employment noong 2012, P208.30 and nominal daily wage rates ng babaeng farm workers, habang P223.53 ang para sa lalake.
Base naman sa pag-aaral ng ADB noong 2013 (Gender Equality in the Labor Market in the Philippines), halos 70% ng mga babaeng farm workers ay direktang kaugnay sa capital procurement, pero mas mababa pa rin ang access nila sa credit kaysa sa mga lalakeng farm workers. Umuutang ang mga babae sa private lenders, kaya’t mas mataas ang interes nito. Maliban pa dito, ang mga babaeng naging benipersaryo ng agrarian reform ay 22% lamang ng kabuuang bilang ng mga beneficiaries noong 2002.
Equality, kapanalig. Pagkapantay-pantay. Preferential option for the poor rin, kapanalig, lalo pa’t ang kababaihan ay laging mas bulnerable at mas hirap. Gisingin sana tayo ng mga katagang ito mula sa Laudato Si: “We should be particularly indignant at the enormous inequalities in our midst, whereby we continue to tolerate some considering themselves more worthy than others.”