311 total views
July 13, 2020, 2:13PM
Pormal nang itatalaga bilang bagong Obispo ng Apostolic Vicariate of Jolo si Bishop Charlie Inzon, OMI.
Ayon sa Obispo, nakatakda ang kanyang installation sa ika-16 ng Hulyo kasabay ng Kapistahan ng Our Lady of Mount Carmel na siyang patron ng Apostolic Vicariate of Jolo.
Ibinahagi ni Bishop Inzon sa Radio Veritas na tulad ng kanyang naging Episcopal Ordination ay magiging simple lamang ang installation bagamat mas marami na ang maaring makibahagi sa gagawing banal na pagdiriwang.
Ito ay dahil nasa Modified General Community Quarantine ang Jolo at maaring makadalo ang 50-porsyento ng kapasidad ng Our Lady of Mount Carmel Cathedral o Jolo Cathedral kung saan gagawin ang installation.
“Simple lang naman kagaya nung aking consecration as Bishop sampu lang diba, ngayon dahil sa Modified (General Community Quarantine) na 50% po ng capacity ng Cathedral yung pwede…” pahayag ni Bishop Inzon sa panayam sa Radyo Veritas.
Binigyang diin ng Obispo na hindi mahalaga ang magarbong pagdiriwang lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa na nahaharap sa banta ng Coronavirus Disease 2019 pandemic.
Nilinaw ng Obispo na ang pinakamahalaga ay ang masunod ang mga ritwal kabilang na ang ritual of acceptance at ritual of reception of the new Bishop upang ganap na niyang magampanan ang kanyang tungkulin bilang punong pastol ng Apostolic Vicariate of Jolo.
Inaasahan naman ang pakikibahagi ng mga Oblates of Mary Immaculate (OMI) Bishops sa nakatakdang installation ni Bishop Inzon.
“Nag-invite ng mga Oblates of Mary Immaculate (OMI) Bishops din yung sasama sa akin siguro isa o dalawa tama na kasi diba alam naman natin yung sitwasyon ngayon ang importante yung mga ritual, masunod yung mga ritual of acceptance, of reception of the new Bishop yun ang mas mahalaga sa akin para tuloy-tuloy na yung ating pag-serve, ang tagal din kasing hinintay yung bagong Obispo ng Vicariate so syempre yung mga tao excited na meron na silang bagong Obispo yun yung ina-anticipate na masaya…” Dagdag pa ni Bishop Inzon.
Itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco ang 54-na taong gulang na si Bishop Inzon noong ika-4 ng Abril bilang ika-anim na Obispo ng Jolo kahalili ni Cotabato Archbishop Angelito Lampon, OMI, DD na naitalaga naman sa Archdiocese of Cotabato noong 2018.
Inordinahang Pari si Inzon noong ika-24 ng Abril taong 1993 sa Caloocan City at Obispo naman noong ika-21 ng Mayo taong kasalukuyan na pinangunahan ni Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo,OMI, DD at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, DD.
Ang Apostolic Vicariate of Jolo ay nakasasakop sa probinsya ng Sulu at Tawi-Tawi na may tinatayang aabot sa higit 29,500 mga mananampalatayang Katoliko.