203 total views
Ang pagdating ng isang obispo sa kaniyang sambayanan ay paalala sa atin na hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa ‘canonical installation’ ngayon ni Bishop Francisco De Leon bilang bagong obispo ng Diocese of Antipolo sa Antipolo Cathedral.
Ayon sa kardinal, bagamat bago si Bishop De Leon, nananatili ang simbolo ng Simbahan na si Hesus ay ang tunay na pastol.
“Ang pagdating ng isang obispo sa kaniyang sambayanan ay paalala sa atin na hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon, na siyang pastol. Siya talaga ang pastol. Nagpapalit-palit ang mga obispo pero hindi nagbabago ang simbahan dahil si Hesus ang tunay na pastol.” Pahayag ni cardinal Tagle.
Labis ding nagpapasalamat ang kardinal na gaya ng sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, si bishop De Leon ay instrumento ng Panginoon sa kanyang pagpapastol sa Antipolo bagamat pinaalalahanan din ito na darating ang panahon ay isasalin din niya sa iba ang pamamahala kasabay ng panawagan ng suporta sa bagong obispo ng diocese ng Antipolo.
“Nagpapasalamat tayo kay Bishop Francis, sabi nga ni Archbishop Soc na nagtiwala siya at kahit kakilakilabot ay pumayag siya na maging daan, kamay at bibig at maging instrumento ng Panginoon na si Hesus sa kaniyang pagpapastol lalu na dito sa Antipolo, Bishop Francis maraming salamat…darating din ang araw na tatayo ka rin diyan at may ibang iluluklok dyan, pero huwag tayong mabahala si Hesus ang Obispo, si Hesus ang nangangalaga sa kanyang Simbahan kaya mahalin natin si Bishop Francis, pero hindi siya ang Diyos, hindi siya. We come and go a new priest will come and go so bring your community to Jesus for he is the one reserve because he is the true pastor.” Ayon pa sa kardinal.
Naging auxiliary bishop ng Antipolo si Bishop de Leon noong 2007 at itinalagang Coadjutor dito noong November 2015.
Si Bishop De Leon ang pang-apat obispo ng diocese ng Antipolo na may mahigit 3.2 milyong katoliko.