38,283 total views
Kanselado na ang mga banal na misa para sa publiko sa Diyosesis ng Cubao kaugnay sa patuloy na pagkalat ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Sa liham pastoral ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco, inihayag nitong kinakailangang sundin ng simbahan ang Community Quarantine na ipatutupad ng pamahalaan.
Simula bukas, araw ng Sabado, ika-14 ng Marso, hindi na maaaring magsagawa ng Public Masses sa lahat ng parokya o bisita na nasasakupan ng Diyosesis.
Gayunman hinihikayat pa rin ni Bishop Ongtioco ang mga pari na magsagawa ng kanilang private mass upang patuloy na ipanalangin ang mga mananampalataya at upang mawakasan na ang pagkalat ng COVID-19.
Nag-anyaya din si Bishop Ongtioco sa mga mananampalataya na panoorin ang kaniyang Online Mass tuwing alas otso ng umaga sa Facebook page na Roman Catholic Diocese of Cubao.
Ipinaliwanag pa ng Obispo, ang pag-aalis ng Sunday Obligation na nangangahulugang hindi magkakasala ang isang tao kahit hindi ito makapagsimba sa araw ng Linggo, na nasasaad sa sampung utos ng Diyos.
“There will be no public celebration of Holy Mass in all the parish churches and chapels in the Diocese of Cubao starting tomorrow, March 14, 2020. I hereby grant Dispensation to all our Catholic faithful from their Sunday obligations during the cancellation… We entrust ourselves to the mercy of God who knows the difficulties of our situation. He who is greater than our hearts knows our fears and anxieties and will never abandon us. With Saint Paul we declare, “nothing can separate us from the love of God that is in Christ Jesus our Lord.” (Romans 8:39) ” Bahagi ng liham pastoral ni Bishop Ongtioco.
Sa halip, hinihiling nito sa mga pamilya na maglagay ng munting altar sa kanilang tahanan upang doon manalangin at basahin ang mga nakatakdang pagbasa ng salita ng Diyos sa bawat araw.
Paiigtingin din ang pananalangin ng Oratio Imperata sa buong diyosesis kasabay ang pagpapatunog ng mga kampana ng alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali at alas sais ng gabi, kasama ang pananalangin ng Angelus.
Sa kasalukuyan, hindi pa nakatitiyak ang Diyosesis kung hangang kalian kakanselahin ang mga banal na misa at ang paggagawad ng mga Sakramento.
Sa kabila nito, bubuksan pa rin ang ilang mga simbahan para sa mga nagnanais magdasal ng tahimik, gayunman ang mga Adoration Chapels ay mananatiling nakasara. Sa kabuuan ang Diyosesis ng Cubao ay mayroong 47 mga parokya na pansamantalang titigil sa pagsasagawa ng pampublikong banal na misa.