178 total views
Nanawagan si dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) – President at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na luwagan ang pagpapatupad ng ‘Bank Secrecy Law’ at palakasin pa ang Anti-Money Laundering Act (AMLA) upang hindi na makapasok pa ang mga tinaguriang ‘dirty money’ sa bansa.
Hiniling din ni Archbishop Cruz na amyendahan ang AMLA upang masaklaw nito ang mga casino upang hindi na ito magamit sa money-laundering activities ng mga kriminal sa gitna ng kontrobersyal na pagpasok sa bansa ng malaking halaga ng pera mula sa Bank Of Bangladesh noong nakaraang buwan..
“Ang masasabi ko tungkol sa bagay na yan kailangang repasuhin higit sa lahat ang AMLAC. Dito sa Pilipinas ngayon mayroong 35 casino that comprise Mindanao. At nakakapagtaka bakit ang mga casino ay exempted from AMLAC kaya pumapasok diyan ang perang marumi galing sa iba’t ibang lugar. Galing sa masasamang gawain papasok diyan, paglabas okay na. Ito nga marahil ang dapat tignan ng sa America at sa RCBC. Para kahit paano yung perang kinuha sa Bangladesh tapos ita – take charge pagdating dito dun sa RCBC etcetera may kinalaman yun sa money laundering,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Hinimok rin ng Arsobispo ang mga mambabatas na suriin ang pagpapaluwag ng ilang probisyon ukol sa ‘bank secrecy’, ng sa gayon ay magdadalawang-isip na ang mga kriminal na itago ang kanilang mga yaman sa Pilipinas.
“Tungkol sa bank secrecy law pwede ring pag – aralan kung paano huwag namang gamitin ang mga bangko sa kasalbaihan ng tao. Ang bangko dapat malinis yan at yan ay dapat pwedeng pagkatiwalaan ng bansa. Pero kapag ganyan tayo rin ang bansa rin ang maghihirap. Kaya sana pag – aralan rin ang batas ng bank secrecy law,” giit pa ni Cruz sa Veritas Patrol.
Sa record naman ng asiabet.org aabot sa humigit kumulang 40 na casino sa Pilipinas. Lahat ng ito ay pagmamay-ari o lisensyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o (PAGCOR).
Kamakailan, naging kontrobersyal ang Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) matapos ideposito dito ang may $81-milyon na halaga ng pera na ninakaw mula sa Bangladesh ng mga hinihinalang international state-sponsored hackers
Nauna na ring ipinaalala ni Pope Francis sa mga kaparian na iwasan ang pagtanggap ng mga donasyon na nanggagaling sa maruming pera mula sa mga pasugalan at katiwalian.