8,783 total views
Nagpapasalamat ang Bureau of Fire Protection Chaplaincy sa muling pagdalaw ng imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa BFP-National Headquarters sa Quezon City.
Ayon kay Chief Chaplain, Fr. (FSSupt.) Randy Baluso, T’Ocarm, DSC, maituturing na pagpapala ang pagdalaw ng Poong Jesus Nazareno sa tanggapan, na nagbibigay ng panibagong sigla at nagpapatatag sa pananampalataya ng mga bumbero.
Ito na ang ikaapat na pagdalaw ng imahen sa BFP, na natapat din sa pagdiriwang ng Miyerkules ng Abo, hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma, ang 40 araw na paghahanda para sa paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
“Ang pagbisita ng Mahal na Poon ay nagpapanibago at nagbibigay lakas sa aming pananampalataya kay Jesus, na Siyang nagbibigay sa atin ng buhay at kaligtasan, lalong-lalo na po na papasok na ang Kuwaresma,” pahayag ni Fr. Baluso sa panayam ng Radyo Veritas.
Inihayag din ng pari na ang pagbisita ng Poong Nazareno ay paalala na ang lahat ng bagay sa buhay ay dapat naaayon sa kalooban ng Diyos.
Ipinaliwanag ni Fr. Baluso na bilang mga bumbero at mga indibidwal, dapat tiyaking ang mga gawain at tungkulin ay hindi lamang para sa sarili, kundi nakaayon sa kabutihan at plano ng Diyos.
Dagdag ng pari, na ang pagtupad sa tungkulin ay paraan ng pagbabalik ng pasasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang natatanggap, na sa pamamagitan ng trabaho at pananampalataya ay naipahahayag ang debosyon at pagpapahalaga sa kabutihan ng Diyos, tungo sa buhay na walang hanggan.
“We are reminded of the importance of our relationship with God, that everything that we have here should always be in line with the will of God. Lahat ng mga ginagawa natin, lahat ng mga bagay na ginagawa sa buhay, bilang isang bumbero, bilang isang anumang meron kami sa katatayuan namin, ay dapat may alignment sa kagustuhan at kalooban ng Diyos,” ayon kay Fr. Baluso.
Samantala, pinangunahan ni BFP Post Catholic Chaplain, Fr. (FSInsp.) Raymond Tapia, ang ritu ng pagtanggap sa imahen ng Poong Jesus Nazareno, na sinaksihan ng mga kawani at opisyal ng BFP.
Sinundan ito ng Misa ng Pagtanggap sa pangunguna ni Fr. Robert Arellano, LRMS, Parochial Vicar ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno (Quiapo Church), katuwang sina Fr. Baluso at Fr. Tapia.
Kasalukuyang nakalagak ang imahen ng Poong Jesus Nazareno sa Bulwagang Linsangan ng BFP-NHQ at mananatili rito hanggang Huwebes, March 6.