11,985 total views
Ikinababahala ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) na posibleng umabot sa 31-bilyong piso ang halaga ng pinsala ng Maharlika Investment sa copper-gold project ng Makilala Mining Corporation sa Kalinga.
Ayon kay LRC executive director, Atty. E.M. Taqueban, ang kontrobersyal na P4.42 bilyong pautang mula sa Maharlika Fund para sa proyekto ay maaaring magdulot ng P31.15 bilyong halaga ng pinsala sa kalikasan.
“This is on top of the fact that more than P4-billion of public interest funds that should have been spent on actual social services and sustainable development needs were diverted to a destructive mining project,” ayon kay Taqueban.
Batay sa life cycle assessment ng industriya ng pagmimina, ang tinatayang taunang halaga ng pinsalang dulot ng pagmimina sa buong mundo ay umaabot sa mahigit $5-trilyon.
Inihambing ito sa kabuuang global capitalization ng industriya noong 2024 na $737-bilyon, kung saan tinatayang sa bawat isang dolyar ng kapital sa pagmimina ay may katumbas na pitong dolyar na pinsala sa kalikasan.
Ipinunto ni Taqueban na sa halip na makahikayat ng dayuhang mamumuhunan, lumalabas na ginagamit pa ang Maharlika Fund upang suportahan ang subsidiary ng Australian mining firm na Celsius Resources, Ltd.
“Filipino taxpayers are basically bearing the burden of de-risking a clearly high-risk foreign mining project that is projected to cause both ecological and economic losses. The only way for this mine to be profitable is if the costs are externalized—meaning the polluters will not be made to pay,” paliwanag ni Taqueban.
Isinusulong naman ng grupo ang pagpasa sa House Bill 11008 o Alternative Minerals Management Bill (AMMB) na naglalayong baguhin ang sistema ng pagmimina upang maging mas makakalikasan at nakabatay sa National Industrialization Program, sa halip na pagkuha lamang ng likas-yaman.
Ang AMMB, na unang inihain sa Kongreso noong 2009, ay naglalayong palakasin ang mga batas pangkapaligiran sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagsusuri sa epekto ng pagmimina at pagbuo ng Multi-Sectoral Mineral Councils para sa mas makatarungang pamamahala ng yamang mineral.
Una nang nanawagan ang Caritas Philippines sa pamahalaan na muling suriin ang pamumuhunan ng Maharlika Investment Corporation, at unahin ang mga industriyang nakapagpapaunlad sa mga pamayanan nang hindi naisasaalang-alang ang kalikasan.