318 total views
Umapela ng pakikiisa si Ozamis Archbishop Martin Jumoad sa mananampalataya sa paggunita ng mga Mahal na Araw lalo na sa Paschal Triduum.
Sa panayam ng Radio Veritas, umaasa ang arsobispo na bigyang pagkakataon ng mananampalataya ang pagdalo sa mga gawain ngayong semana santa lalo’t binuksan na sa publiko ang mga simbahan makaraan ang dalawang taon bunsod ng pag-iingat sa COVID-19.
Batid ni Archbishop Jumoad na marami ang nagbabakasyon tuwing mga Mahal na Araw kasama ang pamilya.
“Bilang mga kristiyano kailangan bigyan natin ng panahon na we really reflect and attend the rites/rituals in our particular cathedral or churches; may panahon naman talaga na tayo ay makapunta sa dagat o mamasyal pero huwag sana sa Holy Thursday or Good Friday,”pahayag ni Archbishop Jumoad sa Radio Veritas.
Paliwanag ng arsobispo na hindi magandang halimbawa bilang katoliko na isantabi ang mga Mahal na Araw lalo na ang paschal triduum o ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus na tanda ng matagumpay na pagtubos sa kasalanan ng sangkatauhan.
Iginiit ni Archbishop Jumoad na ang paschal triduum lalo na ang muling pagkabuhay ni Hesus ang sentro at pundasyon ng pananampalatayang kristiyano.
Nanawagan ang Arsobispo na kung hindi maiiwasan ang pagbakasyon ngayong semana santa tiyaking makiisa sa mga banal na gawain sa pinakamalapit na simbahan sa mga lugar na pupuntahan.
“I really ask our Catholic faithful if they go to vacation then they should also choose a place where there is a church near to where they are staying; as much as possible celebrate especially the Easter Sunday because it is the core of our faith, without resurrection then our faith is nothing,” giit ni Archbishop Jumoad.
Umaasa ang arsobispo na gawing makabuluhan ng mananampalataya ang semana santa at makiisa sa mga tradisyunal na gawain sa mga simbahan.