403 total views
Nagpaabot na panalangin at pakikiramay si 1987 Constitutional Framer at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa pagpanaw ni Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Jose Luis Martin “Chito” Gascon.
Ayon sa Obispo, sadyang kahanga-hanga ang dedikasyon ni Gascon sa pagsusulong ng karapatang pantao at katarungang panlipunan sa bansa na nagsilbing pinakabatang miyembro ng Constitutional Commission na nagbalangkas ng 1987 Constitution ng Pilipinas.
Pagbabahagi ni Bishop Bacani, bukod sa Panginoon ay tiyak rin na hindi malilimutan ng mamamayang Pilipino ang malaking ambag ni Gascon upang isulong ang higit na pagbibigay halaga sa dignidad at karapatan pantao ng bawat indibidwal.
“I am deeply saddened by the loss of [CHR Chairperson] Commissioner Chito Gascon. He was a real champion for human rights and the Lord will certainly remember that, as well as the Filipino people,” ang bahagi ng mensahe ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa Radio Veritas.
Partikular ding kinilala ni Bishop Bacani ang paninindigan ng Commission on Human Rights sa ilalim ng pamumuno ni Gascon laban sa mga serye ng pang-aabuso sa karapatang pantao ng administrasyong Duterte na nagpatupad ng War on Drugs na tinaguriang Oplan Tokhang.
Ayon kay Bacani, ang pinaka-naaangkop na paraan ng pagkilala at pag-alala sa naging makabuluhang buhay ni Gascon ay ang pagpapatuloy sa kanyang mga adbokasiya at misyon sa pagsusulong ng karapatang pantao at katarungang panlipunan.
“Thanks to him the abuses of the Duterte administration have been lessened. The best way to remember him is to continue his fight for human rights. Let us pray for him,” dagdag pa ni Bishop Bacani.
Batay sa tala ng CHR, umaabot na sa 3,423 na mga drug-related extrajudicial killings ang naidokumento at iniimbestigahan ng kumisyon mula ng magsimula ang War on Drug ng administrasyong Duterte.
Nakilala si Gascon bilang isang human rights lawyer at political activist na siya ring pinakabatang miyembro ng Constitutional Commission na nagbalangkas ng 1987 Constitution at ng 8th Philippine Congress.
Taong 2015 ng itinalaga si Gascon bilang chairperson ng Commission on Human Rights at nagsilbi sa kumisyon ng anim na taon, bago pumanaw sa edad na 57-taong gulang dahil sa kumplikasyon na dulot ng Coronavirus Disease 2019, umaga ng Sabado, ika-9 ng Oktubre, 2021.