291 total views
March 31, 2020, 11:17AM
Muling nagpasalamat si Manila Administrator Bishop Broderick Pabillo sa mga negosyante na bumubuo ng Oplan Ugnayan-isang inisyatibo para sa pagtulong sa mga mahihirap na mamamayan sa Metro Manila.
Ayon kay Bishop Pabillo, ang Oplan Ugnayan ay nakalikom ng P1.5 bilyon na ipapamahagi sa pamamagitan ng Caritas Manila na Oplan Damayan kasama ang mga local government units (LGU’s) na silang tumukoy ng mga karapat-dapat na benepisyaryong pamilya.
“Nakakatulong din tayo sa daily wage earners, ito ngang ipinamimigay na mga gift certificates na ito po ay galing sa mga negosyante at ipinadaan sa Caritas Manila na ipinadaan naman ng Caritas Manila sa mga Parokya. Hindi lang sa archdiocese, kundi sa buong NCR,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ang bawat pamilya ay tatatanggap ng P1,000 gift certificates (GC) na gagamiting pambili ng kanilang pangangailangan habang umiiral ang community quarantine.
Ang Oplan Damayan ay sumasaklaw sa 10 diyosesis sa Metro Manila at karatig lalawigan kabilang na ang Antipolo, Bulacan at Imus.
“Pasalamatan po natin ang business people,’yan po ay inisyatiba ni Mr. Fernando Zobel de Ayala. At nagkuha siya ng mga kasamahan niya sa mga business. Sila po ang nagkolekta ng pera na tinatawag nilang Oplan-Ugnayan,” ayon pa sa obispo.
Sa pinakahuling ulat ng Caritas Manila, aabot na sa 200 libong pamilya ang nakatanggap ng gift certificates na mula sa 628 mga parokya ng 10-diocese at archdiocese sa Metropolitan Manila.