12,685 total views
Nagpaabot ng pasasalamat si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa inisyatibo at dedikasyon ng Tagbilaran City Government na magsagawa ng post-election cleanup kasunod ng katatapos lamang na 2025 Midterm National and Local Elections.
Ayon sa Obispo, nawa ay maging inspirasyon ang inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Tagbilaran sa iba pang mga karating na lugar at sa buong bansa upang pangunahan ang pangangasiwa sa muling pagsasaayos ng kalinisan at kaayusan ng pamayanan matapos ang naganap na halalan.
Ipinaliwanag ni Bishop Uy na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng bawat kasapi ng lipunan ay matitiyak ang pagkakaroon ng ligtas, malinis, malusog, masagana at maunlad na lipunan.
“A heartfelt thank you to the Tagbilaran City Government for your dedication in carrying out post-election cleanup. Your initiative serves as an inspiring example for other towns and cities across the Philippines to follow. By working together through such collective efforts, we can create a healthier, cleaner, and more sustainable nation for all. Let’s continue partnering towards a brighter and better future!” Bahagi ng pahayag ni Bishop Uy.
Unang binigyang diin ng Obispo na kaakibat ng patuloy na paninindigan ng Simbahan para sa pangangalaga sa kalikasan ang pagsusulong ng malinis at responsableng pamamahala sa bansa.
Kaugnay nito sa tala ng environment watchdog na Ecowaste Coalition, noong 2016 national elections umabot sa 206 na toneladang basura ang nakolekta, nasa 200 toneladang basura naman noong 2019 midterm elections habang noong 2022 national elections ay tumaas ito ng halos 20% na umabot sa 254 na toneladang basura.
Samantala sa kasalukuyan sa Kalakhang Maynila batay sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umaabot na sa mahigit 11 tonelada ng basura ang nakolekta sa National Capital Region pa lamang mula noong araw ng halalan na kinabibilangan ng iba’t ibang campaign materials na ginamit sa pangangampanya ng mga kandidato sa nakalipas na eleksyon.