12,812 total views
Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang patuloy na paghuhubog sa kamalayan ng mamamayan sa pagpili ng mga lider ng bayan.
Ayon kay PPCRV Chairperson Evelyn Singson, mahalagang tutukan ang paghubog sa pagkatao ng mga Pilipino upang maging responsableng mamamayan.
Ito ang mensahe ng opisyal sa paglunsad ng church watchdog ng Tibok Pinoy o mga aklat na layong paigtingin ang pagiging maka-Diyos, magalang, matapat, matulungin, makabayan at masipag ng mga Pilipino.
“We believe that if we instill our core Filipino values to the minds and hearts of young people, we can guide them to become the champions of change that our country needs,” ani Singson.
Paliwanag naman ni PPCRV National Communications Director Ana de Villa -Singson na mas pinili nito ang paglimbag ng mga aklat sa halip na kumuha ng mga kilalang personalidad sa pag-endorso ng voters’s education program ng PPCRV upang maibalik din ang pagbabasa ng mga Pilipino sa halip na dinidiktahan sa kanilang gagawin.
“We do not like people to decide on their vote or their lives because they are told by someone to do it. They have to learn it,” pahayag ni De Villa – Singson.
Binigyang diin nitong nais ng PPCRV ang maayos na sistema at organisadong paraan sa pagtuturo at paghuhubog lalo na sa mga kabataan.
“Where is the best way to learn? In school, ’di ba? So we want to give this gravity. We want to give this seriousness. We want to give this an organized way so there is a way to be taught and a way to teach. So we want to bring it back to schools,” dagdag ni De Villa-Singson.
Sa kasalukuyan pangunahing katuwang ng PPPCRV sa programa ang mga Catholic Education Association of the Philippines (CEAP) gayundin ang Ateneo, La Salle at Assumption.
Ibinahagi ng opisyal na nakipag-ugnayan din ito sa Department of Education upang matalakay ang posibilidad ng pagtutulungang maging bahagi ng curriculum ang Tiboy Pinoy.
Tiniyak ni De Villa-Singson na magiging bunga nito ang pagiging responsableng mamamayan ng mga Pilipino at maging matalino sa pagpili ng mga lider na iluluklok sa pamahalaan na pangunahing itataguyod ang interes ng taumbayan.
Bukod sa aklat ay inilunsad din ng PPCRV ang podcast kung saan may panayam mula sa iba’t ibang personalidad na nagbabahagi ng mga kwentong tampok ang Filipino traits and values.
Ginanap ang paglunsad ng Tibok Pinoy sa Dusit Thani Manila nitong September 10 kung saan bukod sa mga kawani ng PPCRV ay dumalo rin sa pagtitipon ang iba’t ibang stakeholders kabilang na ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na pinangunahan ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.