64,120 total views
Mga Kapanalig, sa pangunguna ng papal charity na Aid to the Church in Need (o ACN), itinalaga ang araw na ito—ang Miyerkules pagkatapos ng Kapistahan ng Kristong Hari bilang Red Wednesday. Araw ito ng pag-alala sa mga Kristiyanong inuusig at pinagmamalupitan dahil sa kanilang pananampalataya.
Hindi man ganoon kalaganap ang pang-uusig sa mga tagasunod ni Kristo dito sa atin—bilang mayorya ng ating populasyon ay Katoliko—inaanyayahan tayong mga mananampalatayang gunitain ang dugong dumaloy kay Hesus at sa mga taong inusig at pinatay dahil sa kanilang pagsunod at pagtatanggol sa ating Panginoon. Kaya nakapula ang ilang nasa mga nasa Simbahan ngayon o kaya naman ay iniilawan ng pulang ilaw ang harapan ng mga Simbahan. May pangalawang koleksyon din sa mga misa sa araw na ito. Mapupunta ito sa mga proyekto ng ACN na tumutulong sa mga lugar kung saan inuusig ang mga Kristiyano. Makiisa po tayo, mga Kapanalig.
Kung may isa pang paraan upang gunitain ang pag-aalay ni Hesus ng Kanyang buhay at ng mga Kristiyanong naninindigan para sa kanilang pananampalataya, ito ay ang pagbubukas ng ating mga puso sa ating kapwa. Gaya ng itinanong ng isang dalubhasa sa kautusan kay Hesus—isang tagpong mababasa natin sa Ebanghelyo ni San Lucas 10:29—itatanong din natin marahil, “Sino naman ang aking kapwa?”
Nitong nakalipas na mga buwan—mula nang magsimula ang panahon ng tag-ulan hanggang ngayong nagsisimula nang umiral ang hanging amihan—sunud-sunod na mga bagyo ang tumama sa ating bansa. Mula sa Bagyong Carina noong Hulyo hanggang sa Bagyong Pepito noong nakaraang linggo, napakaraming kababayan natin ang tila hindi pinagpahinga mula sa mga kalamidad. Nakapanghihina ng loob ang mga balita tungkol sa mga kababayan nating lubhang naapektuhan ng mga ito—mga nawalan ng bahay, mga binaha at wala nang mabalikang tirahan, mga magsasakang nanlumo sa pagkasira ng kanilang mga pananim, at mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Maaaring may kamag-anak kayong direktang naapektuhan ng mga bagyong ito, o baka kayo mismo ang nakaranas ng mga kalamidad.
Sila ang mga “kapwa” nating nangangailangan ng tulong.
Bagamat naapektuhan tayo rito sa Metro Manila ng mga naunang bagyo, mapalad tayong malayo sa kinakatakot ang naging epekto ng magkakasunod na bagyo ngayong buwan. Pero ito sana ang mag-udyok sa ating tumulong sa mga kababayan nating labis na naapektuhan ng bagyo. Sabi nga, inilihis sa atin ang mga dumaang super typhoon para magawa nating tulungan ang nasa 1.8 milyong Pilipinong naapektuhan ng napakasamang lagay ng panahon. Siyempre, nariyan naman ang gobyernong may pangunahing tulungan ang mga nasalanta, pero huwag nating iwan lamang sa kanila ang trabaho para ibangon ang mga kababayan natin. Kasama ang ating Simbahan sa pag-aabot ng tulong sa kanila.
Ang pag-aabot ng tulong sa ating “kapwa,” sa abot ng ating makakaya, ay paraan ng pagsasabuhay ng ating pananampalatayang Kristiyano. Malikhaing paraan din ito ng pagtatanggol sa ating pananampalataya—hindi nangangailangang buhay natin ang maging kapalit pero sa pagbubukas natin ng ating puso sa ating kapwa, may bahagi ng ating buhay na naibabahagi sa iba. Sabi nga sa Catholic social teaching na Dilexit Nos, ang pagsaksi nating mga Katoliko sa katotohanan sa ating paligid, nababahagi natin ang pag-ibig sa puso ng ating kapwa para maitatag ang isang lipunang makatarungan, mapayapa, at nagkakaisa. Sa tuwing sinusubukan nating tulungan at alagaan ang ating kapwa, nasa tabi natin si Hesus.
Mga Kapanalig, ngayong Red Wednesday, alalahanin natin ang mga martir para sa ating pananampalataya. Maudyukan din sana tayo ng pananampalatayang ito para buksan ang ating puso sa ating kapwa. Pinipili natin sa ating pagtulong. Pinaninindigan natin ang ating pananampalataya sa ating pagiging bukas-palad.
Sumainyo ang katotohanan.