109,215 total views
Mga Kapanalig, narinig na ba ninyo ang kasabihang “in this world, nothing is certain except death and taxes.” Sa mundong ito, walang tiyak maliban sa kamatayan at buwis. Linya iyan ng tinaguriang “founding father” ng Estados Unidos na si Benjamin Franklin.
Totoo ang tungkol sa kamatayan, at totoo rin ang tungkol sa pagbabayad ng buwis. Pero sa usaping buwis, may paraan naman para hindi ito maging pabigat sa taumbayan. Ang tanong: ginagawa ba ito ng ating gobyerno?
Nitong mga nakaraang linggo, inulan ng batikos si Department of Finance Secretary Ralph Recto dahil sa balitang papatawan ng buwis ang tinatawag na interest income ng mga long-term deposits. Pero iba ang naging interpretasyon ng marami sa buwis na ito. Akala nila, papatawan ng buwis ang mga deposito sa bangko, savings, stock gains, mga ari-arian o estates, at mga donasyon.
Linawin natin ang pagkalitong ito. Hindi ang ating mga ipon sa bangko, ari-arian, at donasyon ang bubuwisan, kundi ang interes o tubong kinikita natin sa mga long-term deposits. Hindi rin ito kautusan ng DOF; alinsunod ito sa Capital Markets Efficiency Promotion Act o CMEPA, isang batas na ipinasa ng Kongreso at inaprubahan ng presidente. Paliwanag ng DOF, ipinatutupad lang nila ang batas. Matagal nang may buwis sa interest income, pero sa ilalim ng CMEPA, magiging mas simple ang pagbubuwis. Kaya hinay-hinay tayo sa mga nababasa at ibinabahagi natin sa social media.
Ginagawa lang ng DOF ang mandato nila na tiyaking may sapat na resources ang gobyerno para sa mga programa at proyekto nito. Pero ang pagiging tila “allergic” ng mga tao sa usaping buwis ay nakaugat marahil sa pagkadismaya natin kung paano ginugugol ng gobyerno ang buwis na ating binabayaran. Napakalaki kasing bahagi ng perang ipinagkakatiwala natin sa pamahalaan ay napupunta sa korupsyon. Ayon sa World Bank at Asian Development Bank, hanggang 20% ng budget ng gobyerno ang napupunta sa bulsa ng mga pulitiko dahil sa korupsyon. Kung ang budget ng gobyerno ay nasa 6.3 bilyong piso ngayong taon, tinatayang nasa 1.2 trilyong piso ang nakukurakot!
Dahil dito, nabibilang ang Pilipinas sa mga medyo corrupt na bansa. (Medyo lang naman!) Sa 180 na bansa na bahagi ng Corruption Perceptions Index, pang-114 tayo. Ang score natin ay 33, mas malapit sa score na 0-9 na “highly corrupt” at malayu-layo sa score na 90-100 na ang ibig sabihin ay “very clean.”
Kung maayos ang pamamahala ng kaban ng bayan, hindi na kailangan ng mga bagong buwis. Kung malinis ang pagpapatakbo ng gobyerno, hindi na kailangang pabigatin pa ang pinapasang obligasyon ng mga mamamayan. Maihahatid sa atin ang mga kailangan nating serbisyo gaya ng gumaganang flood control infrastructure, maaayos na kalsada, murang pagpapaospital, abot-kayang edukasyon, at ligtas na kapaligiran. Kapag nakikita at nararamdaman natin ang pinaggagamitan ng ating buwis, mas gaganahan tayong mag-ambag sa pondo ng bayan. Mas mapagkakatiwalaan natin ang gobyerno.
Mga Kapanalig, pinaaalalahanan tayo maging ng Banal na Kasulatan na “pasakop [tayo] sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral.” Mababasa natin ito sa Roma 13:1. Pero hindi ito bulag na pagsunod sa mga nasa poder. Dapat makatwiran ang mga ipinatutupad nilang patakaran at dapat na nakikita natin ang bunga ng ating pinagpagurang buwis. Ayon nga sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, tungkulin ng gobyerno na tiyaking nakakamit natin ang kabutihan at kaganapan, hindi lamang ng mga indibidwal kundi ng lahat ng tao o common good. Kaya sa tuwing mangongolekta at magpapataw ang gobyerno ng buwis, patunayan din dapat nitong naglilingkod ito sa taumbayan.
Sumainyo ang katotohanan.