22,429 total views
Umaasa ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na maging huwaran ng bawat mananampalataya si San Antonio de Padua lalo na sa paghahatid ng pag-asa.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula sa pagdiriwang ng banal na misa para sa paggunita ng 119th Parish Feast of Saint Anthony of Padua sa Saint Anthony of Padua Parish – Singalong Manila.
Ayon sa Cardinal, higit na makahulugan ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Antonio ngayong taon na ginugunita ang Jubilee Year of Hope.
“Ngayong taon, ang ating pagdiriwang ng Kapistahan ni San Antonio ay higit na makahulugan, sapagkat ito’y napapaloob sa Jubilee Year of Hope. Panahon ito upang pagnilayan kung paano ba tayo tinatawag ng Diyos upang maghatid ng pag-asa, tulad ni San Antonio.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Bahagi naman ng hamon ni Cardinal Advincula sa bawat isa ang maging huwaran si San Antonio bilang tagapagdala ng kaayusan, kapayapaan at liwanag ni Kristo sa mundo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo.
Ayon sa Cardinal, tulad ni San Antonio ay maging dalauyan nawa ang bawat isa ng kagalingan, pag-ibig at awa ng
Panginoon para sa kapwa kasabay ng pagtataguyod ng pagkakaisa sa lipunan.
“Tulad ni San Antonio, nawa’y masigasig nating hanapin ang mga pagkakataon—sa ating mga salita at gawa—upang ipahayag ang Ebanghelyo ng pag-asa, na magdadala ng liwanag sa mundong sabik sa pag-ibig at awa ng Diyos.” Dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Umaasa rin si Cardinal Advincula, na maisabuhay ng bawat isa ang pag-ibig na inilalarawan ng buhay ni San Antonio na may kababaang-loob, bukas-palad sa pagbibigay at taos-pusong damdamin para sa kapwa.
Pagbabahagi ng Cardinal, “Kilala si San Antonio sa kanyang malalim na kababaang-loob sa kabila ng kanyang dakilang karunungan. Hindi niya hinangad ang kasikatan o kapangyarihan. Sa halip, inaruga niya ang mga dukha, ibinahagi ang kanyang tinapay sa kanila, at ipinaglaban ang kanilang dignidad. Para sa kanya, ang kabanalan ay hindi nasusukat sa malalaking gawa kundi sa araw-araw na maliliit na kilos ng pag-ibig.”
Sa taon ng Hubileo ng Pag-asa ay inanyayahan rin ni Cardinal Advincula ang lahat na hilingan ang gabay ng Panginoon at gamiting halimbawa si San Antonio upang maging mabuting daluyan ng habag, awa at pag-asa na hatid ng Panginoon para sa sangkatauhan.
Si San Antonio de Padua ay isang Pari na kaanib sa Orden ng mga Fransiscano. Kilala siya sa kanyang kahusayan sa pangangaral at ambag sa teolohiya, itinanghal bilang “Doctor of the Church”. Siya rin ay patron ng mga nawawalang bagay o tao, mandaragat, manlalakbay, at mga dukha.
Ang kanyang kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing June 13 kung saan sa araw ng kanyang kapistahan, inaabangan ng mga tao ang pamamahagi ng tinapay ni San Antonio de Padua pagkatapos ng bawat Misa.