22,383 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na kalakip ng biyayang kalayaan na tinatamasa ng bayan ang responsibilidad o pananagutan para sa bawat mamamayan.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon kaugnay sa paggunita ng ika-127 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong taon.
Pagbabahagi ng Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth, bahagi ng pananagutang kaakibat ng tinatamasang kalayaan ng bansa ang hamon para sa bawat isa na patuloy na ingatan at pangalagaan ang kasarinlan ng bayan sa pamamagitan na patuloy na pagsusulong ng katotohanan, katarungan at kabutihang pangkalahatan o ng common good.
“We are thankful for the gift of independence and the gift of freedom pero yung freedom natin ay both a gift and a responsibility. Kailangan nating ingatan ang freedom that we enjoy and this we can do by continuing to pursue what is true, doing and upholding what is good, upholding justice and the common good.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Alarcon sa Radyo Veritas.
Ayon sa Arsobispo, ang pagnanahan at patuloy na pag-iral ng kalayaan ng bansa ay nakasalalay rin sa patuloy na paninindigan ng bawat mamamayan sa kung ano ang mabuti, tama, at patas para sa lahat.
Paliwanag ni Archbishop Alarcon, kinakailangan ring patuloy na pagtrabahuhan ang pagtiyak sa kalayaan ng bayan sa pamamagitan ng tuwinang pagiging mapagbantay mula sa iba’t ibang mga salik na maaaring sumiil sa kalayaang tinatamasa ng bansa.
“Freedom is choice for what is good, for what is true, for is just, for what is fair and that is how we ensure our freedom, our independence may sakripisyo ito. As we celebrate Independence Day kailangan nating pagtrabahuhan ito, kailangan din nating maging vigilant, kailangan nating mag-engage hindi pwedeng naghihintay lang tayo kasi maraming forces na kahit tayo we grow slack, nakakalimot tayo and we can be slaves again by our own vices.” Dagdag pa ni Archbishop Alarcon.
Giit ng Arsobispo, ang pagsusulong ng isang malaya, maunlad at masaganang bansa ay isang tungkuling dapat na pagsumikapan hindi lamang ng pamahalaan kundi ng lahat ng sektor at kasapi ng lipunan kabilang na ang Simbahan, at ibang grupo at samahan sa lipunan.
“So nation building, it’s a tasks for all us whether you are in government, you are in church, civic organization everybody has a part in building country so let us contribute in building up our nation, for ensuring our independence and liberty let us contribute to the common good.” Ayon pa kay Archbishop Alarcon.
Kabilang sa partikular na tinukoy ng Arsobispo ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng mga kabataan para sa kinabukasan ng bayan at ng Simbahan kung saan kasalukuyang isinagasagawa ang National Youth Day 2025 sa Archdiocese of Caceres na may aabot sa 8,000 delegado mula sa buong bansa.
Tema ng ika-127 na Araw ng Kalayaan ngayong taong 2025 ang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan”.