376 total views
Nananawagan pakikiisa sa mga magulang at legal guardians ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education at samahan ng guro.
Ito’y upang sama-samang tugunan ang kinakaharap na suliranin ng sektor ng edukasyon na dulot ng COVID 19 pandemic at bagsak na ekonomiya ng bansa.
Ayon kay San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto, vice-chairman ng CBCP-ECCCE, tungkulin ng bawat magulang, legal guardians, nakakatanda at mga stakeholder ng education sector ang paghuhubog sa kalinangan at pag-aaral ng mga mag-aaral.
“Sama-sama nating binabalikat ang hinggil sa formation o paghuhubog sa isip at sa puso ng ating mga bata at kabataan,”pahayag ni Bishop Presto sa panayam ng Radio Veritas
Inaasahan naman ni Father Ernesto De Leon, executive secretary ng CBCP-ECCCE na higit pang kilalanin ng bawat pamilya ang kahalagahan ng mga guro na bukod sa pagtuturo ay nagsisilbing ikalawang pamilya ng mga estudyante.
Kaugnay nito, kinilala din ni Vladimer Quetua,chairperson ng Alliance of Concerned Teachers ang tulong ng magulang at legal guardians sa mga mag-aaral sa naunang pagpapatupad ng online, modular at distance learning.
Umaapela naman si Benjo Basas ng Teachers Dignity Coalition na palawakin pa ng mga magulang at legal guardians ang pang-unawa sa ginagawang pagtuturo ng mabuting asal at pag-disiplina ng mga guro sa mga estudyante.
“Baka namimis-interpret yung uri ng pagdidisiplina, at one point yung ginagawa po ng ilang sa ating mga teacher na pagiging istrikto.Sana maiintindihin ninyo na ang lahat ay ginagawa ng mga guro para din sa inyo kasi kagaya nung mga magulang niyo sa bahay, kami naman ang mga magulang ninyo sa mga paaralan,”pahayag ni Basas.
Sa ika-2 ng Nobyembre, ipapatupad ng Department of Education ang 100% face to face classes sa lahat ng paaralan sa buong bansa.
Nauna namang hinimok ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, chairman ng CBCP-ECCCE Chairman ang lahat sa sektor ng edukasyon na simulan ang school Year 2022-2023 na may sigla at bagong pag-asa.