533 total views
Hinikayat ni Baguio Bishop Victor Bendico ang mananampalataya na patuloy na isabuhay ang diwa ng Season of Creation na pangangalaga sa inang kalikasan.
Ayon kay Bishop Bendico, sa pagtatapos ng pagdiriwang sa panahon ng paglikha ay dapat manatili sa buhay ng mga tao ang mga iniwang paalala at aral na patuloy na magmalasakit at madinig ang panaghoy ng kalikasan sa pinsalang idinulot ng mga pang-aabuso.
Sinabi ng Obispo na kailangang magampanan ng tao ang pagiging mabuting katiwala ng sangnilikha at itaguyod ang espiritwalidad ng kamalayang ekolohikal.
“Let us do our part and the environment reciprocates so. Please always bear in mind, that the Season of Creation does not end today. We just formally culminate it but the season of creation continues in our daily living,” bahagi ng mensahe ni Bishop Bendico.
Binigyang-diin ni Bishop Bendico na nilikha ng Diyos ang mga likas na yaman upang matutunan at maunawaan ng mga tao ang mahalagang tungkulin ng pagiging mabuting tagapangalaga ng sangnilikha.
Iginiit ng Obispo na ang ating nag-iisang tahanan na sa halip na abusuhin ay dapat na pagyamanin upang mapanatili ang ganda ng kapaligiran para sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon.
Hinikayat naman ni Bishop Bendico ang bawat isa na ipakita ang pagmamalasakit sa ating nag-iisang tahanan katulad ng pag-iingat at pangangalaga tao sa kanyang sarili at maipadama ang paggalang sa Poong Maykapal.
“As such, what we do to creation, we do it to ourselves. How we treat the environment is a measure of our stewardship – a sign of our respect for the creator,” ayon kay Bishop Bendico.
Nagtapos ang Season of Creation sa bansa sa paggunita sa Indigenous Peoples’ Sunday bilang pagkilala sa mahalagang tungkulin ng mga katutubo sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.