10,596 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of Myanmar (CBCM) para sa agarang pagtigil ng labanan sa pagitan ng mga puwersa ng military junta at mga guerilla upang pahintulutan ang malayang pagpasok ng tulong para sa mga biktima ng 7.7 magnitude earthquake noong March 28.
Sa pahayag, sinabi ni CBCM president at Yangon Archbishop Cardinal Charles Maung Bo, na mahalaga ang agarang paghinto ng kaguluhan upang maayos na maihatid ang kinakailangang tulong sa mga biktima ng lindol at ng matagal nang labanan sa bansa.
“We urgently call for an immediate and comprehensive ceasefire by all parties involved in the conflict to ensure the safe and unimpeded delivery of essential humanitarian aid by local and international supporters,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Bo.
Ayon sa CBCM, nakikipag-ugnayan na ang United Nations upang makapaghatid ng suporta sa mga apektado ng umiiral na krisis.
Tiniyak din ng Simbahang Katolika ang patuloy na pagtulong sa mga biktima, at pag-aalay ng panalangin para sa mga nasawi, kabilang ang mga namatay sa lugar-dalanginan tulad ng mga pagoda at mosque.
Nagpasalamat din ang kapulungan ng mga obispo ng Myanmar sa mga mensahe ng pagsuporta at panalangin mula kay Pope Francis, Vatican Secretary of State Cardinal Pietro Parolin, Dicastery for Evangelization Pro-Prefect Cardinal Luis Antonio Tagle, at Vatican Embassy Charge d’Affaires Msgr. Andrea Ferrante.
Batay sa huling tala, umabot na sa mahigit 2,000 ang nasawi, halos 4,000 ang sugatan, at hindi bababa sa 270 ang nawawala matapos ang mapaminsalang lindol.
Kasabay nito, patuloy pa rin ang digmaan sa Myanmar, na kumitil na ng mahigit 6,000 sibilyan at nagpalikas ng higit tatlong milyong katao.
“Such a ceasefire is imperative to address the immediate need for food, medical supplies, shelter, and protection for those affected by both the earthquake and the prolonged conflict,” ayon sa CBCM.