151 total views
Ito ang nilinaw ni Prof. Ronald Simbulan – Vice Chairman ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) kaugnay sa isinusulong na Citizen’s Arrest ng susunod na admiistrasyon partikular na para sa mga mahuhuling nagbibenta o gumagamit ng bawal na gamot.
Paliwanag ni Prof. Simbulan ang sinasabing Citizen’s Arrest ay matagal ng pinahihintulutan sa bansa batay na rin sa Revised Penal Code ngunit ito ay para lamang hulihin at dalhin sa presinto o sa kinauukulan ang mga lumabag sa batas at hindi upang maging isang vigilante na siyang maghahatol at magpaparusa sa mga ito.
“Ang Citizen’s Arrest talagang tao na kaya mo i-apprehend at dalhin pa rin sa ano, may due process pa rin dalhin sa pulis, kung saan siya icha-charge kung may evidence tapos may proseso so it’s not Vigilante Justice kasi yung Vigilante Justice ‘yun ang ayaw natin dahil gantihan ‘yan, tapos walang due process. Yung Vigilante Justice kasi ‘yung accuser siya na rin ang nagiging prosecutor at executioner.” Paglilinaw ni Prof.Simbulan sa panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito, giniit ni Prof. Simbulan na nararapat na maging mas malinaw sa mga mamamayan ang alituntunin kaugnay ng Citizen’s Arrest na isinusulong ng susunod na administrayon upang hindi magdulot ng mas malalang kaguluhan sa lipunan.
Kaugnay nito, ayon sa United Nations World Drug Report ang Pilipinas ang may pinakamataas na paggamit ng Shabu sa East Asia kung saan batay sa tala Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) aabot sa 92-porsyento ng mga barangay sa Metro Manila at 1/5 naman ng mga barangay sa buong bansa ay apektado ng bawal na gamot.
Samantala sa Pilipinas kilala ang tinaguriang Davao Death Squad o DDS sa Davao na isang vigilante group na itinuturing na responsible sa mga sinasabing summary executions ng mga hinihinalang sangkot sa pagnanakaw at droga o bawal na gamot kung saan mula taong 1998 hanggang 2008 ay tinatayang nasa 1,020 hanggang 1,040 ang mga pinaslang na biktima ng summary executions sa lalawigan.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika maging ng gobyerno ang sinasabing gawain lalo na at sinisentensiyahan ng kamatayan ang mga indibidwal na nagkasala na isang paglabag sa kanilang karapatan na mabuhay.