234 total views
MOST SACRED OF JESUS PARISH, STA. MESA, MANILA JUNE 03, 2016
Mga kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magpasalamat sa Panginoon sa pagtitipon na ginawa niya sa atin sa gabing ito upang sa pamamagitan ng eukaristiya muli na naman Niya tayOng mapagyaman, mapanibago sa pamamagitan ng Kanyang salita, ng Kanyang katawan at dugo at ng Kanyang Espiritu Santo na ibinubuhos sa ating kalooban at para po sa ating parokya. Napakahalagang kapiyestahan, ika-105 pagdiriwang ng fiesta ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus.
Ang puso ni Hesus ay hindi lamang isang bahagi ng katawan na katulad ng tainga, mata, para po sa bibliya ang puso ay ang simbolo, sagisag ng buong pagkatao ni Hesus. Hindi ito isang bahagi ng katawan kundi kung sino si Hesus. At napakayaman ng kalooban ni Hesus sa Kanyang puso, sa kanyang kalooban nagmumula ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang damdamin, ang Kanyang desisyon, ang kanyang pagkilos talagang kung ibig nating makilala sino ba si Hesus, pumasok tayo sa kanyang puso, sa Kanyang Kalooban at dahil napakayaman ng matutukalasan natin sa Kanyang puso, taun-taon mayroong isang aspeto na ibinigay sa atin ng mga pagbasa at nakakatuwa po na sa taong ito ay akmang akma ang mga pagbasa tungkol sa puso ni Hesus. Akmang-akma sa ipinagdiriwang natin na Year of Mercy. Ang taon ng hubileyo ng habag, awa, pag-unawa ng Diyos sa atin. Kung bubuksan natin ang puso ni Hesus, ano ang makikita natin? Mercy, awa, ang pang-unawa na dahil sa awa at kanyang pang-unawa naliligtas pati ang makasalanan. Ginagamit po ng mga pagbasa ang larawan ng pastol na mahabagin sa unang pagbasa mula sa propeta Ezekiel, ang Diyos ay medyo nagagalit kasi mayroon siyang mga pinagkatiwalaan na magpapastol ng kanyang bayan, mga hari, mga propeta, mga pari at ang mga pastol, ang mga magulang yan ang mga pastol, subalit nakita ng Diyos hindi nila ginagawa ang dapat nilang gawin. Kaya sabi ng Diyos AKO, AKO MISMO ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa, ako ang maghahanap sa nawawala, ako ang magbabalik sa nalalayo, ako ang hihilot sa mga napilayan, ako ang magpapalakas sa mga mahihina, ako ang magbabantay sa mga malulusog at malalakas, ako ang magbibigay ng aalaga na kanilang kinakailangan.
Iyan ang puso ng Diyos. Hindi Niya kayang pabayaan ang sugatan, ang nawawala, ang nangangailangan ng pagkain. Hindi Niya sasabihing bahala ka na sa sarili mo at ‘yan ay natupad kay Hesus sa ebanghelyo. Gumamit si Hesus ng talinghaga, isang pastol, may isangdaang tupa. Isa ay nawala, ano raw ang gagawin nung pastol? Iiwanan ang siyam na pu’t siyam, hahanapin ang nawawalang isa, sabi po ng nag-aral ng bibliya, kapag may nawawalang tupa malamang yaan ay nasugatan, kaya ayun, naiwan, o kaya naman may sakit, kahit hindi makasunod doon sa iba pang mga tupa, naiwan, o kaya aanga-anga. Pero anuman ang dahilan, may sugat man, may karamdaman man o medyo kulang, kung ikaw ay negosyante na pastol, ‘yang isang tupang nawawala, liability kung baga, hindi yan asset, hindi yan kapaki-pakinabang, sino ba naman ang bibili ng tupang may sakit? Sino ba naman ang bibili ng tupang sugatan? At aanhin mo ang tupa na aanga-anga? Parang lahat ng qualities/katangian ng isang dapat ng pabayaan, nandito sa nawawalang tupa, pero bakit hahanapin? Simple lang ang sagot, ang tupang ‘yan, kahit ganyan, akin ang tupang yan. It is mine. It belongs to me, dahil sa kanyang katangian maaring wala ng gustong umangkin sa kanya, maaring dahil sa kanyang katangian, lahat gusto humiwalay na sa kanya, pero ang tunay na pastol sasabihin parin “siya ay akin”, you are mine at wala ng iba, wala ng iba pang dahilan. Iyan ang awa, ‘yan ang pag-ibig ng puso ni Hesus at dahil sa kanyang awa, pang-unawa, pag-ibig. Lahat tayo ay tupang nawawala rin, sugatan, may karamdaman at marami sa atin, aanga-anga rin. Pero hinanap tayo ni Hesus, minahal. Kung hindi tayo hinanap ni Hesus, walang pag-asa ang kung sino. Sugatan ka, hindi ka makalakad, gagawin ni hesus, hahanapin ka, papasanin ka, iuuwi ka. Kaya sa poster ng Year of Mercy, si Hesus pasan-pasan ang isang tao na parang tupa, hindi ka makauwi dahil sugatan ka? Ako ang mag-uuwi sayo. Hindi ka makalakad? Ako ang maglalakad para sa iyo. Tama ang sinabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, mahirap na nga ialay ang buhay, para sa mabuting tao, pero kung mabuti siya talaga, baka isipin natin, “sige mabuti naman sya eh, iaalay ko ang buhay ko sa kanya,” pero ang ginawa ng Diyos hindi ganon. Kahit tayo’y makasalanan, inialay Niya ang kanyang buhay para sa atin.
Ito ang puso na pinagbubukalan, pag-ibig, kaligtasan, pag-asa. Kaya sa pusong ‘yan, makakatagpo tayo ng hinahanap nating kapahingahan at lakas. Sa taong ito, Year of Mercy, fiesta ng Sacred Heart, ang malaking hamon sa atin, kamusta ba ang puso natin? Tumutulad ba sa puso ni Hesus? Kapag ang mga teacher, kapag ang bata ay matalino, mabait, pinagmamalaki natin “estudyante ko ‘yan.” Pero kapag ang bata ay parang mahirap gabayan, nakakalimutan natin “estudyante mo ‘yun?” “Ewan ko parang hindi ko matandaan.” Basta ikaw ay parang naligaw na tupa, parang walang gustong umangkin sa’yo. At ang nangyayari ay lumalalim ang problema, ang sugat at ang sakit ng tupang pinabayaan. Lalo mong pabayaan yan, lalo ‘yang mawawala, lalo yang maliligaw. Mga magulang, kapag ang anak, gra-graduate, may medal, habang tinatawag, ang magulang, nanduon sa may audience, naluluha-luha, “ang anak ko, ang anak ko honor” anak niya, pero kapag ang bata uulit ng grade 4, sasabihin sa asawa, “hoy pumunta ka nga sa principal, ‘yang anak mo uulit daw”, kapag ang bata naliligaw? “hindi ko na yan anak, anak mo yan” may problema eh, hugasan na ng kamay, kaya nadadagdagan ang mga naliligaw. Ang puso ni Hesus, ibang-iba sa puso ng mundo. Ang mundo na ikahihiya ka,ang mundo na tatalikuran ka, ang mundo na kapag ika’y naliligaw, hahayaang ka pang lalong maligaw, pero kapag nagpakita ka ng awa, nagpakita ka ng pagmamahal, pagtatawanan ka, sasabihin “ano ka? Baliw ka ba?”, katulad ni Hesus, baliw, Minahal ang katulad natin, katulad ng puso ni Hesus, takbuhan ng wala ng matakbuhan. Sa pagdiriwang natin ng ika-isangdaan at limang piyesta ng ating parokya, Puntahan natin, hanapin natin ang mga sugatan, ang mga naliligaw, ang mga walang kaibigan dahil iniwanan na sila, yung mga may ugaling hindi na masikmura ng kung sino, baka kailangan lang nila ang isang puso ng tulad ng puso ni Hesus. Mahigit ng isang buwan ang nakararaan, at dahil year of mercy, nagbukas kami ng isa pang door of mercy. May lima tayong simbahan sa archdiocese na may doors of mercy, nagbukas po kami ng door of mercy sa san lazaro hospital, lalo na doon sa HIV, AIDS. Yung mga may HIV AIDS pinangdidirihan ng iba, masama ang tingin, ikinahihiya minsan pati ng kanilang pamilya. May isang pasyente noon akong natanong sa hospital na umiiyak, tinanong ko kung may pamilya, magulang, mga kapatid pa bang dumadalaw sa kanya, kasi pakiramdam ko kaya sya umiiyak ay nahahabag sa sarili, baka ito yung tupa na pinabayaan na, sabi nya meron naman daw siyang magulang, nabibisita daw siya, sabi ko “tatagan mo ang loob mo, hindi malayo sa iyo ang Diyos” nakakatuwa ang sagot nya “kaya po ako umiiyak ay dahil napakasaya ko, ang saya saya ko po ngayon, nandito po kayo, nandito yung mga pari, nakita ko po kayo, ang lapit-lapit ninyo.” Hindi naman pala napakahirap para ipadama ang kaligayahan, simpleng ngiti, simpleng pagkilala, simpleng pagmamahal. Ang puso kayang matunaw, pero sino ang tutunaw sa pusong matigas? Yung puso na katulad ng puso ni hesus, kaya tama ang ating dasal, “o puso ni Hesus, gawin mo ang aming puso ay matulad sa puso mo.”
Tayo po ay tumahimik sa sandali at ilapit sa puso ni Hesus hindi lamang ang ating sarili kundi ang maraming sugatang nalulumbay, nag-iisa, walang kumakalinga.