55,417 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, nag-iwan ng matinding pinsala sa mga lalawigan sa Hilagang Luzon ang Bagyong Marce, ang panlabintatlong bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility. Hindi pa nga lubusang nakababangon ang rehiyon mula sa hagupit ng Bagyong Leon, heto at lubog na naman sa baha ang maraming lugar, maraming bahay at istruktura ang sinira ng malakas na hangin, at libu-libong kababayan natin ang hindi makapaghanapbuhay.
Gaya sa mga nakalipas na taon, matitindi ang mga bagyong dumaan sa ating bansa ngayong 2024. Noong Hulyo, hinila ng Bagyong Carina ang hanging habagat na nagbagsak ng ulang nagpalubog sa maraming lugar sa Luzon, lalo na rito sa Metro Manila. Mahigit 1.7 milyong pamilya o 6.5 milyong katao ang naapektuhan. Halos 50 naman ang namatay.
Noong Setyembre naman, nagdala rin ng matinding buhos ng ulan ang habagat na pinaigting ng Bagyong Enteng. Hindi bababa sa 20 ang namatay. Nasa tatlong milyong kababayan natin ang naapektuhan, at libu-libo ang kinailangang ilikas sa mga evacuation centers. Isa sa mga nakapanlulumong kuwento mula sa trahedyang ito ang pagkamatay ng isang buntis at dalawang bata sa Antipolo matapos matabunan ng landslide. Sa 41 na bayan at lungsod na nagdeklara ng state of calamity, 37 ay nasa Bicol.
Bicol din ang pinakamatinding naapektuhan ng Bagyong Kristine noong Oktubre. Sa lungsod ng Naga, bumuhos sa loob lamang ng 24 oras ang ulang katumbas ng dalawa’t kalahating buwan na buhos ng ulan. Mahigit 2.3 milyong pamilya o 9 na milyong katao ang naapektuhan ng bagyong nagpaapaw sa mga ilog, nagdulot ng pagguho ng lupa, at nagpatumba sa mga puno. Hanggang ngayon nga, may mga lugar pa ring hindi pa rin humuhupa ang tubig-baha.
Marami pa ring hindi naniniwalang dulot ng climate change ang pagtindi ng mga bagyong tumatama sa ating bansa. Ayon sa mga siyentipiko at eksperto, ang pagiging mas mapaminsala ng mga bagyo ay bunga ng patuloy na pag-init ng ating planeta. Tandaan nating mistulang gasolina ng mga bagyo ang init sa kalawakan at karagatan; mas mainit ang kapaligiran, mas mabilis mabuo ang mga ulap na magbabagsak ng ulan.
Sa likod ng patuloy na pag-init ng ating planeta ay ang mga gawain ng taong nakasalalay sa paggamit ng fossil fuels para sa enerhiyang lilikha ng kuryente at magpapatakbo ng mga sasakyan. Nagbubuga ang mga ito ng tinatawag na greenhouse gases, na kapag naiipon sa kalawakan ay nagsisilbing harang sa paglabas ng init mula sa ating planeta. Malaking bulto ng greenhouse gases ay mula sa mga mayayaman at malalaking bansa, pero ang epekto ng pag-init ng planeta ay dinaranas ng mahihirap o papaunlad na mga bansang katulad ng Pilipinas.
Kaya matagal nang isinusulong ang tinatawag na climate justice. Ang climate change ay hindi lamang isyung pangkalikasan. Ito ay isyung pangkatarungan din. Dinaranas ng mga may maliliit na ambag sa pangkalahatang dami ng greenhouse gases—katulad ng ating bansa—ang malalakas na bagyo at matinding tag-init. Sa darating na linggo, ika-17 ng Nobyembre, magsasama-sama ang iba’t ibang grupo sa buong mundo para sa Global Day of Action for Climate Justice. Taunang paalala ito sa mga pamahalaang kilalanin na dehado ang maliliit na bansa sa mga epekto ng climate change at dapat itong itama.
Mga Kapanalig, sa climate change, paglalarawan ni Pope Francis sa Laudato Si’, kapwa tumatangis ang ating mundo at ang mahihirap. Kulang pa rin ang ginagawa ng mga pamahalaan—lalo na sa mga bansang responsable sa pag-init ng ating planeta—para patahanin ang mga iyak na ito. “Hanggang ngayo’y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap,” wika nga sa Roma 8:22. Dumaraing din ang mahihirap. Climate justice, ngayon na!
Sumainyo ang katotohanan.