21,104 total views
Muling mag-alay ng Misa ng Bayan ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) upang ipanalangin ang patuloy at ganap na pagkamit ng kapayapaan at katarungan sa bansa.
Nakatakda ang susunod na Misa ng Bayan sa ika-24 ng Oktubre, 2025 ganap na alas-singko ng hapon sa Saint Anthony de Padua Shrine, 254 Manrique St., Sampaloc, Manila.
Ilalaan ang Misa ng Bayan ngayong buwan para sa Lupa, Pagkain, at Hustisya laban sa Malawakang Korapsyon na patuloy na nagaganap sa bansa.
Bilang nag-iisang komunidad sa pananampalataya ay inaanyayahan ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) ang bawat mananampalataya na makibahagi sa sama-samang pananalangin at paninindigan para sa katotohanan, katarungan at katapatan upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay maipagtanggol at maisulong ang dignidad at kapakanan ng mga naaapi at nangangailangan sa lipunan.
“Inaanyayahan ang lahat ngayong Oktubre 24, 2025 (Biyernes) sa ganap na 5:00 PM sa isang Misa para sa Lupa, Pagkain, at Hustisya laban sa Malawakang Korapsyon sa Saint Anthony de Padua Shrine, 254 Manrique St., Sampaloc, Manila. Sama-sama tayong manalangin at manindigan para sa katotohanan, katarungan, at katapatan. Nawa’y maging gabay ang ating pananampalataya sa pagtatanggol sa mga naaapi at nangangailangan.” Bahagi ng paanyaya ng CMSP.
Inaanyayahan rin ang lahat na magdala ng kandila bilang simbolo ng pagkakaisa at malinis na hangarin para sa pagbabago sa bayan.
Una ng binigyang diin ng CMSP-Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission (CMSP–JPICC) na ang usapin ng katiwalian sa kaban ng bayan ay hindi lamang usaping politikal sa halip ay isang malalim na kasalanang moral at espiritwal na bumibiktima sa mga mahihirap at sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan kaya naman maituturing na isang pananagutan moral na naayon din sa Ebanghelyo ang paninindigan laban sa katiwalian sa pamahalaan.
Pagbabahagi ng CMSP, layunin ng pagsasagawa ng mga serye ng Misa ng Bayan na ipagpatuloy ang pananalangin at paninindigan laban sa katiwalian sa lipunan na isa ring paraan upang isulong ang nasimulang adhikain noong ika-21 ng Setyembre, 2025 sa pamamagitan ng sama-samang pananalangin para sa bansa lalo na ngayong ginugunita ng Simbahan ang Jubilee Year of Hope.




