116,347 total views
Mga Kapanalig, sa isang Senate hearing tungkol sa pambansang budget para sa taong 2026, tinalakay ang pagbibigay ng dagdag na pondo sa mga state universities and colleges (o SUCs).
Malaking bagay ito dahil ayon sa Philippine Association of State Universities and Colleges, inaasahang madadagdagan ng 300,000 na estudyante ang 1.97 milyong mag-aaral sa mga SUC sa susunod na taon. Kulang ang unang pondong inihain ng Department of Budget and Management (DBM) na umaabot lamang sa 3.29 bilyong piso. Dahil sa impormasyong ito, hinimok ni Senador Bam Aquino ang Commission on Higher Education (o CHED) at ang DBM na pagtulungang tukuyin ang budget na sasapat para sa inaasahang pangangailangan ng sektor para sa susunod na taon.
Nangako naman si Senador Sherwin Gatchalian na magsisikap ang Senado na punuan ang 12.3 bilyong pisong budget deficiency para sa mga SUC na hindi nailaan noong 2022 hanggang 2025. Dahil kulang ang pondo para sa mga SUC noong mga nakaarang taon, maraming estudyante ang nawalan ng oportunidad para makapag-aral. Paano pa kaya kung nagamit sa tama sa sektor ng edukasyon, partikular na sa higher education o kolehiyo, ang perang kinurakot sa mga maanomalyang flood control projects? Tiyak na hindi na mamomroblema ang mga kabataang nais magkolehiyo na makatutulong naman sa kanilang makakuha ng trabahong mas magbibigay sa kanila ng magandang kinabukasan.
Speaking of flood control projects ng DPWH, nagmungkahi si Senador Bam Aquino na illipat ang pondong para sa mga maanomalyang flood control projects papunta sa edukasyon, partikular sa mga SUC. Magandang mungkahi ito, mga Kapanalig, hindi po ba?
Magkatotoo sana ang mga ito. Kung “patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa,” sabi nga sa Santiago 2:17, sa konteksto ng mga mungkahing paglaanan ng mas malaking pondo ang mga SUCs, patay ang mga salitang ito kung hindi naman kikilos ang mga dapat kumilos. Tutukan sana ng ating mga senador ang mga ahensya ng gobyernong nakatuon sa sektor ng edukasyon. Sa kaso ng mga SUCs, malaki ang papel ng CHED. Kailangan nitong kausapin ang DBM at kumbinsihin itong nangangailangan ito ng mas malaking pondo.
Sinasabi sa Universal Declaration of Human Rights na mahalagang may “equal access to higher education”—may patas na pagkakataon dapat ang lahat para magkaroon ng college o technical-vocational education. Ito nga ang diwa ng Universal Access to Tertiary Education Act na ginagawang libre ang pag-aaral sa mga SUCs. Kaya naman, dapat lamang na siguraduhin ng estado na natutustusan nito ang mga pamantasang pinatatakbo ng gobyerno. Kaysa mapunta sa bulsa ng mga tiwali ang pera ng bayan, ilaan na lang ito sa mga SUC.
Kinikilala din sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang edukasyon bilang isang saligang karapatang pantao. Sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, sinabi ni St Pope John XXIII na dapat itaguyod ang “right to a basic education and to technical and professional training in keeping with the stage of educational development in the country.” Tinatawag din ang edukasyon bilang isang “inalienable right”—isang karapatang hindi maipagkakait sa sinuman. Katulad ng pagkain, trabaho, tubig, damit, at tirahan, ang edukasyon ay mahalaga sa pagkakaroon natin ng makataong pamumuhay.
Mga Kapanalig, mataas ang pagpapahalaga nating mga Pilipino sa edukasyon. Susi nga ito para sa mas magandang buhay ng mga pamilya. Kaya hindi na dapat nakikipagkompetensya ang sektor ng edukasyon sa iba pang gastusin ng gobyerno. Dapat itong paglaanan ng sapat na pondo. Dapat itong maging prayoridad. Kung ang ating kabataan ang pag-asa ng bayan, patunayan natin sa kanilang may pag-asa sa ating bayan. Ipakita nating tutulungan sila ng gobyerno kapag gusto nilang magpatuloy sa kolehiyo.
Sumainyo ang katotohanan.




