161 total views
Pag-uusig laban sa mga lingkod ng Simbahan na nagsasalita laban sa mga maling polisiya ng pamahalaan.
Ito ang paniniwala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa pagpapaalis kay Sister Patricia Fox, NDS sa Pilipinas matapos bigong i-renew ang Missionary Visa ng misyonerong madre ng Bureau of Immigration.
“Bahagi na po ito ng biased against the Church at biased din laban sa mga taong perceived kumokontra sa patakaran ng Administrasyon.” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na ang pag-alis ng madre ay hindi dahil sa hinaharap na deportation case kundi napaso na ang Missionary Visa ni Sr. Fox noong ika – 5 ng Setyembre.
Mensahe ni Bishop Pabillo kay Sr. Fox na tatagan ang loob at ipagpatuloy ang paglilingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkalinga sa kapwa na nagngangailangan dahil ginagabayan ito ng Panginoon.
“Palakasin niya loob niya [Sr. Fox] hindi ito ang katapusan ng kuwento alam naman natin na ang Diyos ay patuloy na kumikilos sa atin kaya may mga surprise pa Siyang gagawin just keep on and be courageous,” dagdag ng Obispo.
Bukod dito ay hinimok din ni Bishop Pabillo ang mananampalataya na makiisa sa pagpapatatag ng kalooban sa 71-taong gulang na madre na nagmisyon sa Pilipinas ng halos tatlong dekada.
Ika-16 ng Abril ng imbitahan ang madre sa tanggapan ng Bureau of Immigration kasunod ng mga ulat ng intelligence network na nakikisangkot si Sr. Fox sa mga pagkilos laban sa pamahalaan matapos makiisa sa mga katutubong inaapi, manggagawa, magsasaka at mga walang boses sa lipunan.
Sa kabila nito ay nanindigan ang misyonerong madre na ang kaniyang pagtulong sa mga maliliit na sektor ng lipunan ay bahagi ng kaniyang pagmimisyon at paglilingkod sa Sambayanan ng Panginoon.