4,963 total views
Ikinagalak ng Diocese of Legazpi ang natanggap na initial cash assistance mula sa Caritas Manila para sa mga biktima ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Social Action Center – Legazpi director, Fr. Eric Martillano, malaking bagay ang paunang tulong na P200,000 para sa mga pamilyang labis naapektuhan ng nagdaang sakuna sa diyosesis.
“Thank you very much for the generous support from Caritas Manila. We truly appreciate the initial cash assistance of ₱200,000, which will go a long way in helping the families affected by Typhoon Kristine in our Diocese,” mensahe ni Fr. Martillano sa Radio Veritas.
Nakatuwang ng social arm ng Archdiocese of Manila ang kapanalig na himpilan sa pagtukoy sa mga diyosesis na lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine batay na rin sa ipinapadalang mga ulat sa kalagayan ng mga kinasasakupan.
Naglabas ng P1.2 milyong piso ang Caritas Manila bilang paunang tulong para sa Bicol dioceses kung saan maliban sa Diocese of Legazpi, makakatanggap rin ng tig-P200,000 ang Archdiocese of Caceres at Diocese of Libmanan sa Camarines Sur; Diocese of Virac, Catanduanes; Diocese of Daet, Camarines Norte; at Diocese of Sorsogon.
Batay sa huling situational report ng SAC Legazpi, nasa higit 50,000 pamilya o halos 180-libong indibidwal mula sa 19 bayan at lungsod sa Albay ang nagsilikas dahil sa malawakang pagbaha at iba pang pinsala sanhi ng Bagyong Kristine.
Higit pa ring kailangan ng mga nasa evacuation centers ang pagkain, hygiene kits, damit, beddings at blankets, kitchen utensils, at shelter assistance para sa mga nasirang bahay.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng social arm ng Diocese of Legazpi sa Albay Public Safety Emergency Management Office (APSEMO), local government units, at mga parokya sa pamamagitan ng Parish Disaster Response Committee (PADRECOM).
Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaaring makipag-ugnayan sa Caritas Manila sa Globe: 09171880229; Smart: 09380594829; at Landline: 8562-0020 to 25.
Para sa karagdagang detalye, bisitahin lamang ang facebook page ng Caritas Manila.