5,303 total views
Inilunsad ng social arm ng Archdiocese of Lipa ang fund raising campaign bilang tugon sa panawagan ng mga lubhang naapektuhan ng sakuna sa Bicol Region.
Ito ang “100 pesos mo, Tabang natin sa Bicolano” ng Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) na layong matulungan sa pamamagitan ng pinagsama-samang sandaang piso ang mga apektadong pamilya dulot ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa rehiyon.
Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaari itong ipadala sa pamamagitan ng GCash account na Fr. Jayson T. Siapco sa numerong 0966-572-6244.
Samantala, inilunsad din ng social arm ng Diocese of Imus ang “Sapat Dapat! Malasakitan sa Lahat: Cash Donation Drive Tabang sa Kabikulan” upang makalikom ng pondo na ipapadala sa mga apektadong diyosesis at parokya sa Bicolandia.
Bahagi rin ito ng Byaheng Malasakitan sa ilalim ng Byahe Tayo program ng Caritas Imus.
Sa mga nais magbahagi ng tulong, maaari itong ipadala sa pamamagitan ng GCASH Account ni Fr. Knoriel Alvarez, executive director ng Caritas Imus sa numerong 0915-907-8659 o sa Metrobank Account name na Reynaldo Gonda Evangelista o Knoriel Arciaga Alvarez sa account number na 039-7-03957999-1.
Paalala naman ng simbahan sa publiko ang pag-iingat laban sa mga kahina-hinalang indibidwal na nais lamang manamantala at gamitin ang simbahan at ang nangyayaring sakuna upang makapanlinlang ng kapwa.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa higit 1.6 milyong indibidwal o higit 345-libong pamilya ang apektado ng Bagyong Kristine sa Bicol Region.