220 total views
Nagpahatid ng kanilang pakikiisa at pakikidalamhati ang Diocese ng San Jose, Nueva Ecija kay Fr. Richmond Nilo, na binaril at napatay sa loob ng isang kapilya sa Zaragosa, Cabanatuan.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, mariin din nilang kinonkondena ang marahas na pagpaslang sa isang alagad ng simbahan at nanawagan ng katarungan.
At bilang kaisa sa pagdadalamhati ng Diocese ng Cabanatuan, simula mamayang alas-8 ng gabi ay magpapatunog ng kampana ang lahat ng mga simbahan sa San Jose hanggang sa ika-15 ng Hunyo para pukawin ang konsensya ng pumaslang sa pari.
“Simbolo ng aming pakiki-isa sa panalangin ng Diyosesis ng Cabanatuan para sa kapayapaan ng kaluluwa ni Padre Richmond at upang magising ang konsensiya ng mga may kagagawan ng krimen, inaatasan ko ang lahat ng kura paroko na patunugin ang kampana ng lahat ng Simbahan tuwing ika-8 ng gabi, simula mamaya hanggang sa ika-15, araw ng paghihimlay sa kaniyang labi,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mallari.
Ito na ang ika-4 na insidente ng pamamaril sa mga pari simula buwan Disyembre kung saan tatlo sa apat na biktimang pari ang napatay.
Disyembre noong nakalipas na taon, binaril at napatay din si Fr. Marcelito Paez na mula sa Diocese ng San Jose, Nueva Ecija, at Fr. Mark Ventura na mula naman sa Archdiocese ng Tuguegarao noong Abril, nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan si Fr. Rev. Fr. Rey Urmeneta ng Diocese ng San Pablo sa pamamaril na naganap noong nakaraang linggo.
Una na ring kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga karahasang nagaganap sa lipunan at umaasang makakamit ang katarungan para sa lahat ng mga biktima.