196 total views
Napapanahon ang imbestigasyon ng Amnesty International kaugnay sa lumalaking bilang ng extrajudicial killings na may kinalaman sa operasyon ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ayon kay Rose Trajano, secretary general ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates, totoong nagaganap ang pagbabayad sa mga nakakapatay ng mga sinasabing kriminal dahil mismong ang mga alkalde pa noon ang nagsasabi na nagbibigay sila ng pabuya.
Sinabi pa ni Trajano, sa unang buwan pa lamang ng administrasyong Duterte, nagsimula na ang mga patayang ito na may mga quota pa ang ilang presinto kung ilan ang kanilang nahuhuli at napapatay na mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
“Bago pa lumabas ang isyu na yan, first month pa lang ng presidency ni Duterte alam naman natin na nagaganap na yan sa Cebu sa ibang area sa bansa, mga mayor ang nagsasabi na nagbibigay sila ng pabuya P50,000 pa nga. Ako po ay naniniwala na nangyayari ngayon yan, narinig din natin ang quota system na bawat presinto may quota kung ilan ang napapatay, nahuhuli o napapasuko. Naniniwala kami na may incentive at yan ang isang dahilan kung bakit mabilis ang dami ng pagpatay, napakaraming intelligence fund, magaling ang gobyerno natin sa pagtatago kung saan nila ginagastos ang pera.” pahayag ni Trajano sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng PAHRA, matibay ang mga source ng Amnesty International na may EJK sa bansa dahil mismong ang mga pulis na gumagawa nito ang ilan sa kanilang naging respondents.
“ I’m sure yung mga pulis na nakausap ng Amnesty International nagsalita yan in confidence, kahit na ang AI hindi natin mapapaamin kung sino ang source nila siyempre poprotektahan natin ang ating source.” ayon pa kay Trajano.
Sa huling ulat, umabot na sa mahigit 7,000 ang napapatay sa Oplan Tokhang ng pulisya.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika ang mga pagpatay sa mga hinihinalang drug personalities dahil pinagkaitan sila ng gobyerno na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at makapagbagong buhay lalo na at karamihan sa kanila biktima lamang ng kahirapan at ng pagkakataon habang ang ilan ay napagkakamalan o nadadamay lamang.