245 total views
Pinuri ng mga makakalikasang grupo at ng Simbahan ang naging desisyon ng Department of Environment and Natural Resources na ipasara ang mga minahang nagdulot ng matinding pinsala sa kalikasan, at nagpahirap sa komunidad na malapit dito.
Ayon kay Jaybee Garganera, National Coordinator ng grupo, malaking hakbang patungo sa pagbabago ang ipinamalas ni Environment Secretary Gina Lopez, dahil sa mahabang panahon na pakikipaglaban ng mamamayan para sa maayos at malinis na kapaligiran ay natugunan din ito ng pamahalaan.
“Yung mining audit palang kongkreto na yung hakbang at ngayon itong pagkansela at pagsuspinde ito ay patunay at magandang tuldok nga ito sa mining audit, patunay na napakinggan yung mga reklamo ng tao at mayroong tamang aksyon ang gobyerno.” pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Pinasalamatan din ng mamamayan ng Zambales ang DENR dahil sa pagpapasara nito sa mga kumpanya ng minahan sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Ben Molino, pinuno ng Concerned Citizens of Sta. Cruz Zambales, mahabang panahon nang naghirap ang mamamayan ng Zambales, kaya naman laking pasasalamat nito dahil natugunan ng bagong administrasyon ang kanilang hinaing.
Umaasa si Molino na magpapatuloy ang mabubuting programa ng DENR at hindi ito magpapadaig sa mayayamang kumpanyang sumisira sa kalikasan at nagpapahirap sa mga Filipino.
“Ang mamamayan ng Zambales at Pangasinan ay nagpapasalamat sa desisyong ginawa ng butihing kalihim ng DENR. Matagal nang inaasahan ito ng mamamayan ng Sta. Cruz, Infanta at Candelaria at sa wakas pagkaraan ng ilang taong mahabang pakikibaka laban sa mga mapanirang pagmimina ay nakamit din ang matagal nang hinihintay na tagumpay ng taumbayan.” pahayag ni Molino sa Radyo Veritas.
Samantala, bagamat nagpapasalamat sa naging resulta ng mining audit, nais ni Fr. Niño Garcia, Parish Priest ng San Lorenzo Ruiz Parish sa Manicani Island ng kongkretong kasulatan na nagsasaad ng pagpapasara sa minahan sa kanilang isla.
Sa pamamagitan nito ayon sa pari ay mas mapapanatag ang kanilang kalooban at tunay ngang mawawala na ang banta ng mina sa kanilang lugar.
“Una, isang malaking pasasalamat ang gusto naming ipaabot sa ating Pangulong Rodrigo Duterte at kay Secretary Gina Lopez…Pangalawa, gusto sana naming mabigyan din kami ng kopya… We are still waiting for a hard copy ng closure ng mining sites para talagang magbunyi kaming lahat at sabihin namin na talagang wala na, totally stop na ang mina dito sa amin sa Eastern Samar.” bahagi ng pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Mula sa kabuuang bilang na 41 metallic mines sa Pilipinas, 23 kumpanya ng minahan ang ipasasara ng DENR na mula sa mga lalawigan ng Benguet, Bulacan, Zambales, Homonhon, Dinagat Island, at Surigao Del Norte.
Read: http://www.veritas846.ph/21-minahan-ipapasara-ng-denr/
Una na ring binigyang diin ng kanyang kabanalan Francisco sa encyclical na Laudato Si ang mariing pagtutol nito sa mapanirang industriya ng pagmimina na lalong nagbibigay ng pasakit sa mga mahihirap.