4,143 total views
Naniniwala ang Couples for Christ (CFC) na ang edukasyon ay nagbibigay ng bagong pag-asa, lalo na sa mga batang mula sa mga pamilyang kapos ang kakayahang pag-aralin ang mga anak.
Ito ang pahayag ni CFC executive director, Bro. Jimmy Ilagan, kaugnay sa ginanap na ANCOP (Answering the Cry of the Poor) Global Walk 2024 noong October 19, 2024, sa Mall of Asia Concert Grounds sa Pasay City.
Ayon kay Ilagan, taon-taon isinasagawa ang ANCOP Global Walk, na naglalayong makalikom ng pondo upang suportahan ang mga programa ng CFC ANCOP para sa mga mamamayang kabilang sa mahihirap na sektor ng lipunan.
“Ang tunay na mithiin ng ANCOP Global Walk ay makapag-raise ng pondo para sa maraming mahirap na kabataan na nais natin pag-aralin. Kasi kami sa ANCOP, ang Couples for Christ ang ANCOP, ay naniniwala na ang edukasyon ang siyang pwedeng magbigay ng bagong pag-asa, especially sa mga batang nangangailangan ng tulong, belonging to a family that cannot afford to bring their children to school,” pahayag ni Ilagan sa panayam ng Radyo Veritas.
Ibinahagi ni Ilagan, na siya ring dating pangulo ng CFC ANCOP, na ngayong school year 2024-2025 ay umabot na sa 9,300 scholars ang tinutulungan ng institusyon.
Sa loob ng 14 na taon, tinatayang nasa 30,000 hanggang 40,000 estudyante na ang nabigyan nila ng pagkakataong maging scholar.
Ipinagmamalaki rin ng opisyal, na mula sa mga kabataan, lumawak na rin ang ANCOP scholarship program para sa mga magulang sa pamamagitan ng technical at vocational training upang makakuha ng bagong kasanayan na makakatulong sa pamilya.
“Ang scholarship namin nag-evolve na rin. Dati para sa kabataan lamang, elementary, high school and college, but through the years we discovered na ang pag-aaral ay pwede rin sa mga magulang sa pamamagitan ng technical, vocational, educational training. So, mas mabilis sila makakuha ng bagong skills para makatulong sa kanilang pamilya,” ayon kay Ilagan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Ilagan sa lahat ng nakatuwang sa matagumpay na pagdaraos ng taunang pagtitipon, gayundin sa mga patuloy na naglalaan ng tulong at panahon upang makapaglingkod sa mga higit na nangangailangan.
“This could mean the realization of the dreams of many poor children including their respective families para mas higit na umunlad ang bayang Pilipinas at ganoon na rin sa maraming panig ng mundo na nangangailangan ng tulong,” dagdag ni Ilagan.
Tinatayang nasa 18,000 miyembro ng Couples for Christ mula sa Metro Manila ang lumahok sa ika-14 na taunang walk for a cause.
Bukod naman sa Metro Manila, isinagawa rin ito sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Pilipinas maging sa mga pangunahing lungsod sa America, Canada, Europe, Australia, Asia, Middle East, at Africa.
Tema ng ANCOP Global Walk 2024 ang “Walk in the Light” na hango mula sa unang sulat ni Apostol San Juan.