231 total views
Positibo si Department of Budget and Management Secretary Benjamin Diokno na hindi makaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay Secretary Diokno, malaki ang naitulong ng umiiral na batas militar upang mas mapaigting ang seguridad ng mamamayan sa Mindanao at makapagbibigay ng isang ligtas na kapaligiran para sa mga pribadong kapitalista na nagnanais mamuhunan sa lugar.
“Nakikita ko personally na walang masyadong impact [ang Martial Law] on the economy. In fact, kung mayroon man positive dahil we can assure private investors and the people that Mindanao will be a safe and soothing place because of the result martial law rule for a limited period. Then dadating lalo yung mga investors,” pahayag ni Secretary Diokno.
Iginiit pa ng kalihim na isang magandang hakbang ang pagdedeklara ng Martial Law sa pagtamo ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao gayundin mapabibilis nito ang kontruksyon ng mga imprastruktura na makatutulong sa paglago ng ekonomiya.
Sa tala ng Department of Finance, ang Autonomous Region sa Muslim Mindanao kung saan kabilang ang Marawi ay nakapagtala ng 0.6-porsiyento o 50.6- bilyong piso sa kabuuang 8.1-trilyong piso Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas noong nakaraang taon, pinakamaliit kung ikukumpara sa 17 rehiyon sa bansa.
Ang lungsod ng Marawi ang sentro sa larangan ng ekonomiya at pangkabuhayan ng buong Lanao Del Sur na base sa 2015 census ay may populasyon na 201,785.
Naunang nanawagan ang Obispo ng Marawi na tulungan ang mga residenteng nagsilikas sa lalawigan dahil sa patuloy na labanan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute group.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang lahat ng bansa na magkaisa at itakwil ang kasarahasan at digmaan.