Election areas of concern at potential armed groups, tinututukan ng PNP

 1,268 total views

Inihayag ng Philippine National Police ang patuloy na paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections na itinakda sa Oktubre 2023.

Ayon kay PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, nakikipagtulungan din ang pambansang pulisya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtukoy ng mga barangay na election areas of concern.

Una na ring inihayag ng PNP ang pagbabantay sa mga natukoy na 45-potential armed groups na maaring magamit sa nalalapit na eleksyong pambarangay.

Ibinahagi ni Fajardo na karamihan sa mga grupong ito ay matatagpuan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim and Mindanao.

“Alam po natin yung gun-culture, rido o clan war, nandyan din ang mga political dynasty. Kadalasan ay nagagamit nga po itong mga private armed groups, yun ang iniiwasan kaya ngayon as early first semester of the year ini-identify natin ano-ano ang mga barangay na ‘yan na pupuwedeng maisama sa mga tinatawag na election areas of concern.” ayon kay Fajardo sa panayam ng Radyo Veritas.

Sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga barangay bilang areas of concern ay pagbabatayan ng PNP ang paglalagay ng karagdagang pulis sa mga lugar upang maiwasan ang karahasan.

Iginiit pa ng PNP na hindi dapat balewalain ang paghahanda sa lokal na halalan lalo’t mainit ang labanan ng mga kandidato.

“Ang mga ganitong eleksyon ay mas mainit nga po ang labanan kapag dating sa local election dahil magkakakilala sila, magkakamag-anak pa po ang iba kaya naman ang mga emosyon ay matataas.” dagdag pa ni Fajardo.

Sa nakalipas na 2022 National Elections, may 488 bayan at 58 lungsod ang nasa talaan bilang election hotspots o kabuuang 546 na mas mababa kumpara sa 2019 elections na umabot sa 946 lugar.

Ayon pa sa PNP karamihan sa mga election hotspot ay matatagpuan sa BARMM, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol at Western Visayas.

About The Author