170 total views
Nasasabik na ang mga Filipino sa Gitnangang Silangang sa nalalapit na pagbisita ng Kaniyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Rommel Pangilinan, Overseas Filipino Worker na nakabase Abu Dhabi, puspusan ang kanilang paghahanda sa pagdalaw ng Santo Papa sa lugar dahil ito ay pambihirang pagkakataon para sa mga mananampalatayang Katoliko.
“Isang malaking kagalakan na makita namin at makasalamuha ang Santo Papa bagamat isa ako sa nananabik na makita ang Santo Papa hindi ko pa rin nalilimutan na ang sentro ay si Krsito dahil alam naman natin na ang Santo Papa ay tagapaghatid lamang kay Kristo,” pahayag ni Pangilinan sa Radio Veritas.
Saad pa nitong bukod sa pisikal na paghahanda ay higit na pinaghandaan ang ispiritwal na aspeto ng tao lalo’t dadalaw ang pinakapinunong pastol ng Simbahang Katolika sa bansang karamihan ng mamamayan ay mga Muslim.
PAG-ASA AT KALAKASAN
Naniniwala naman ang mga OFW na dala ni Pope Francis sa kaniyang pagdalaw UAE ang pag-asa at pagkakaisa sa mga mamamayan sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw at pananampalataya.
Anila, ito’y sumisimbolo ng kalakasan lalo’t malayo sa mga mahal sa buhay ang mga OFW na nagsusumikap sa ibayong dagat iupang mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya sa Pilipinas.
Liwanag na tumanglaw sa kadiliman ng paghihirap na maituturing ni Jeffrey Candelario ang hatid ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa pagbisita sa UAE kaya’t inaasam asam ng mga Filipinong Katoliko sa lugar ang pagdating nito sa Abu Dhabi.
Pangungunahan naman ni Emman Del Rio, ang koro na aawit sa pagdiriwang ng Banal na Misa na pangungunahan ng Santo Papa kaya’t labis ang pasasalamat nito sa Panginoon dahil sa pagkakataong ibinigay sa kanya.
“Naatasan akong maging puno ng choir at Legion of Mary at nagkataon pang ngayon ako ay nahirang darating ang Santo Papa! Miracles of miracles! Naluluha ako at tuwang-tuwa, truly in His time he makes all things beautiful, God makes all things beautiful in His time.” ani ni Del Rio.
Rommel Pangilinan
OFW, Abu Dhabi
“Ang pagdating ng santo papa dito sa UAE para sa akin ay sumisimbolo ng pag-asa, pagibig, at pagpapatibay sa
aking pananampalataya, well para sa OFW kagaya ko ito ay isang napakalaking biyaya na puwede naming baunin upang patuloy na makipagsapalaran sa bahaging ito ng daigdig bagamat malayo kami sa aming mahal sa buhay ang pagbisita ng Santo Papa ay sapat na.”
Jeffrey Candelario
OFW, Abu Dhabi
“Ang pangingibang-bansa ay halo ng kalungkutan,pangungulila, pag-iisa, at takot dahil sa walang kasiguruhan sa lahat ng bagay. Mahal na Santo Papa, Maraming salamat po sa inyo at mas lalo pa naming naramdaman ang
pagmamahal ng ating Panginoon na kami’y hindi mo pinababayaan. At sa iyong pagbisita, hangad namin ang patuloy na kapayaapaan ng bawat isa sa kabila ng pagkakaiba; ay magtulungan para sa kapakanan ng bawat tao, ng bawat buhay.”
Emman Del Rio
OFW, Abu Dhabi
“Kaya ang paghahandang ginagawa ko, sa kanyang pagdating ay pinamumunuan ko ang choir na galing Abu Dhabi kung saan nakapili kami ng 42 members from 130 members na nag-audition. Regular kaming nag-eensayo at araw-araw ay nagdarasal ng santo rosaryo at nag-aattend ng misa. I encourage also the Choir members to do the same, dahil dapat na maging worthy ang lahat sa grasyang ito na ipinagkaloob sa akin – na kumanta sa Banal na Misa ng Santo Papa.”
Vivian Peregrina
OFW, Abu Dhabi
“Ang paghahanda ko ay hindi pisikal kundi emosyonal at ispiritwal to search for my heart and to believe that God will make a difference through Pope Francis.Lalo tayong mapalapit sa Diyos at kung tayo ay mas lalong humihigpit ang hawak sa Kaniya lalo tayong maging matatag kahit malayo sa pamilya, mas lalakas din ang ating loob dahil mas maipaalala sa pananampalataya natin kung ano ang purpose natin sa ibang bansa at kung ano man yun hindi tayo nag-iisa.”
SOSIE C. GARRUCHO
OFW, Abu Dhabi
“Dahil sa presensiya at pagpapahalaga ng Santo Papa sa mga OFW makatulong ito ng malaki para pasiglahin ang nararamdaman ng isang tulad ko na malayo sa pamilya at dahil sa inspirasyon na iyon lalo pang tumibay ang aking pananampalataya.”
Magugunitang sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015 binigyang pagkilala nito ang mga Overseas Filipino Workers na kadalasang naisasantabi sa lipunan subalit patuloy na nagsusumikap para maitaguyod ang pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Bibisita si Pope Francis sa Abu Dhabi sa ikatlo hanggang ikalima ng Pebrero alinsunod sa paanyaya ni Abu Dhabi Crown Prince His Highness Sheikh Mohammed bin Zayed Al Nahyan para sa “International Interfaith Meeting on Human Fraternity”.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na bibisita ang isang Santo Papa sa Arabian Peninsula.
Batay sa tala sa mahigit sampung milyong OFW sa buong daigdig, halos pitong daang libo dito ay nasa United Arab Emirates na halos 80 porsyento ay nagtatrabaho at naninirahan sa Dubai.