561 total views
Kinilala ng opisyal ng Vatican ang mga magulang bilang nangungunang misyonero ng simbahang katolika sa Pilipinas.
Sa mensahe ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa closing mass ng 500 Years of Christinity yearlong celebration, itinuring ng arsobispo ang mga magulang na tagapagdala ng buhay at liwanag sa pananampalatayang kristiyano.
Iginiit ng nuncio na walang makatutumbas sa pagiging misyonero ng mga magulang sapagkat ito ang unang nagbahagi sa kanilang mga anak hinggil sa kristiyanismo at naghubog sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
“There are no more important missionaries than fathers and mothers because they are the ones who not only give natural life to their children, biological life, but also give the light and life of the Catholic faith to their children,” bahagi ng mensahe ni Archbishop Brown.
Muling hinangaan ng arsobispo ang malalim na pananampalataya ng mga Pilipino lalo na sa pagsasabuhay ng mga tradisyon at kultura ng bansa tulad ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria at sa Santo Niño na lalong yumayabong makalipas ang limang sentenaryo.
Hiniling din ng kinatawan ni Pope Francis na ipanalangin ang Santo Papa at ang misyon ng simbahang katolika.
“Please pray for Pope Francis and let’s remember to keep our faith strong, let us remember that the mission of the Church when we see these beautiful missionaries, prepare to bring the Catholic Faith, the Light of Christ, the Life of God, to other places in the world,” ani Archbishop Brown.
Sa homiliya naman ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, binigyang diin nito ang pagsaaalang-alang sa kapakanan ng kapwa bilang tunay na pagmimisyon.
“In a truly humane society, we are mindful of the common good. We protect and empower the weakest. Everyone matters— it is what being in mission is about,” ayon kay Bishop David.
Ginanap ang closing mass ng 500 Years of Christianity at ikalawang National Mission Congress sa Cebu Metropolitan Cathedral nitong April 24 kasabay ng kapistahan ng Divine Mercy na pinangunahan ni Bishop David.
Bukod kay Archbishop Brown at Bishop David dumalo rin sa pagtitipon sina Cebu Archbishop Jose Palma, Palo Archbishop John Du, Palo Archbishop-Emeritus Pedro Dean, Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, Tagbilaran Bishop Alberto Uy, Bacolod Bishop Patrick Buzon, Baguio Bishop Victor Bendico, Talibon Bishop Patrick Parcon, Calbayog Bishop Isabelo Abarquez, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Calibo Bishoo Jose Corazon Tala-oc, Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones at Cebu Auxiliary Bishop Emeritus Antonio Rañola.