809 total views
Kapanalig, ang deception o panlilinlang ay karaniwang kubli—hindi mo agad mahahalata na ikaw ay naloko na o namanipula. Ang gaslighting ay isa sa mga pangunahing paraan ngayon ng pagmamanipula ng mga mamamayan. Ngayong panahon na ng kampanya, kailangang tayo ay “sharp,” o alerto sa maraming panahon na tayo ay gina-gaslight na o nililinlang na ng mga kandidato. Alam mo ba kung ano ang gaslighting?
Ang gaslighting ay ang pagbagbag, pagsira, pagbibigay duda sa reyalidad at katotohanan sa pamamagitan ng pagtatanggi at pagkakait ng katotohanan o facts, pagsisinungaling, pagsasawalang-bahala o pagmamaliit ng ating damdamin, at pagtatanggi ng katotohan kahit sa harap ng gatambak na ebidensya. Kapanalig, kapag ikaw ay na-gaslight, malilito ka, hirap mong makikita kung ano ang katotohanan, at pagdududahan mo ang sarili mong katinuan pati ang halaga ng iyong boses at pagkatao. Ang objective ng gaslighting ay kapangyarihan—power over you. Hangga’t ikaw ay naga-gaslight, naitutulak ka na maniwala sa o gumawa ng mga bagay na mali at taliwas sa iyong tunay na kalooban. Ang gaslighting ay psychological manipulation, at apektado nito ang iyong matinong pagpapasya.
Isang halimbawa: Kahit na may mga witnesses, kahit na may di mapag-kakailang ebidensiya, at kahit na may court conviction pa, ang isang convict ay patuloy na nagsasabi na wala siyang kasalanan, na matagal ng wala talagang conviction, sabay binabaling ang iyong atensyon sa iba namang isyu, na kadalasan, ikaw pa ang lalabas na nagkulang. Isa pang halimabawa: Ang kapitbahay mo na nagsasabi na gagalangin niya ang boundary o hangganan ng property mo, habang pinagbabawalan kang kumuha ng bunga sa mga puno na nasa teritoryo mo.
Naku kapanalig, ang gaslighting ngayon sa ating pulitika ay digital na, kaya dapat tayo ay mag-ingat. May isang pag-aaral kung saan kumpiyansa ang higit pa sa kalahati ng respondents na kayang kaya nila manghuli ng fake news, pero lumabas sa mas malalim pa na pagsusuri na average lamang ang kanilang kakayahan ukol dito. 63% ang nagsabi na sa tingin nila ay kaya nila mag-spot o kumilala ng fake news, pero pagdating sa fake news quiz, 52.5% ang nakakuha ng 6.9 na score lamang sa isang 10 point fake news quiz. Average score lamang ito, kapanalig, na ibig sabihan, average lang din ang kanilang kakayahan sa pagkilala sa fake news.
Kapanalig, katungkulan natin para sa ating sarili, pamilya, komunidad, at bayan na maging mas matalino at matalas pagdating sa ating mga pagpapasya sa ating buhay. Ang ating mga maling choices ay matindi ang mga kapalit – tingnan na lamang natin ang dami ng nasayang na buhay dahil sa drug war na hanggang ngayon, hindi pa rin nagtatagumpay.
Kapanalig, sabi sa John 8:32, the truth will set you free. Ang katagang ito ay akmang akma sa panahon ng kampanya ngayon. Tanggalin natin ang mga balakid sa katotohanan, pumanig tayo sa katotohan, huwag tayong bibitiw sa katotohan.
Sumainyo ang Katotohanan.