1,929 total views
Gamitin ang pananampalataya sa Kabanal-banalang puso ni Hesus upang mapukaw na tumulong sa kapwa.
Ito ang mensahe nila Father Roderick Castro Rector Team Ministry Moderator at Father Roy Bellen – Team Ministry Member ng National Shrine of the Sacred Heart sa Makati City upang mapaigting ang pagtulong sa mga pinaka-nangangailangan.
Ayon kay Father Castro, nawa ay maging inspirasyon sa pagmamalasakit ng bawat mananampalataya si Hesus na pinakain ang mga nagugutom at pinagaling ang mga maysakit.
“Sinasabi ko nga kanina yung puso ni Hesus mahabagin, ang puso ni Hesus, mapagbigay at hindi lamang yan ang sinasabi natin tungkol sa kaniya, pag tinignan mo sa Bibliya ano ang makikta mo? mga gawa ng kabutihan, pagtulong sa may mga sakit, yung mga nagugutom pinakain niya, talagang yung malasakit niya ay hindi mapapantayan at yun ay isang katangian ng kaniyang puso, yung pagiging mahabagin at mapagmahala at doon natin nakikita na itoy tunay niya at kongkreto niyang nagawa sa kaniyang kapwa tao.” bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Father Castro.
Ipinagdarasal naman ni Father Bellen na manatiling tulay ang bawat isa na maging daluyan ng Diyos upang maibahagi ang pagkalinga, pagtulong at pagpapakain sa mga mahihirap at nagugutom.
“In the same way na ang pag-ibig when we say mahal natin ang kapwa, mahal natin ang Diyos ito po ay nawa ay magkatawang tao, magkaroon po ng laman, hindi lang po puro salita kung hindi maging tulay nga na makatulong tayo sa ating kapwa lalong-lalo na yung mga nangangailagan yung mga kapos-kapos na talagang nawawalan pag-asa.” bahagi naman ng panayam ng Radio Veritas kay Father Bellen.
Patuloy naman ang pangunguna ng Caritas Philippines at Caritas Manila sa pagtulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ito ng livelihood programs at Integrated Nutrition Program.