183 total views
Pinaboran ng dating CBCP – president at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang pagpapatayo ng common station ng MRT at LRT kung ito naman ay pakikinabangan ng publiko.
Ayon kay Archbishop Cruz, sumasang – ayon siya rito ngunit dapat ay maging transparent ang paggasta ng kaban ng bayan lalo’t kabilang sa proyektong ito ang ilang mga negosyante.
Iginiit pa ni Archbishop Cruz na matagal nang nakabinbin ang naturang proyekto at marami na rin ang sakripisyo ang nalikha nito sa mga commuter tulad ng mahabang paglalakad makatuntong lamang sa kabilang istasyon ng tren.
“Lahat ng makakatulong sa atin sa traffic at sa ating pagsakay, pagpunta ng opisina, pagpunta ng eskwelahan, lahat iyan dapat asikasuhin at paunlarin matagal na iyan. Salamat naman kung mabuti ang hangarin nila at mabuti naman ang bidding process at sana hindi hahaluan iyan ng kasalbaihan. Okay iyan lalo na ang MRT kasama ang LRT dahil mass transport, transit system iyan kailangan natin iyan.”pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Naunang sinabi ni Buhay Rep. Lito Atienza na malinaw na win – win solution ang nanaig sa common station sa mga negosyante pero talo dito ang mga commuters.
Habang iginiit naman ni House Metro Manila Development Committee chairman Winston Castellon na hindi paborable ang common station at mas dapat itong tawagin na uncommon station.
Nauna na ring ipinanawagan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na ayusin ang mass transport system sa bansa na magpapaluwag ng daloy ng trapiko sa Metro Manila at pakikibangan naman ng 800,000 commuters.