171 total views
Magsasagawa ng kilos-protesta ang mga pampublikong guro at mga militanteng grupo upang tutulan ang ipinalabas na joint circular ng Department of Education, Budget Department at ng Department of Interior and Local Government na huwag ng magbigay ng allowance sa mga guro ang lokal na pamahalaan.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Rep. Antonio Tinio, gagawin ito sa Mendiola sa Maynila at ipapanukala na sa halip na tanggalin ay dapat pa ngang dagdagan ang allowance ng mga pampublikong guro.
Protesta pa ng mga guro ang dagdag na ipapataw na buwis na magbabawas sa matatanggap na sahod at allowance ng mga guro at ang kawalan ng hakbang ng administrasyong Duterte para sa salary increase nila.
“Kaya nga bukas may coordinated action ang ATC sa Metro Manila, may rally sa Mendiola at sa DBM among others para iprotesta ang joint circular na ito, at ang usapin ng kawalan ng increase ng sahod ng mga guro sa administrasyong Duterte at ang planong proposed imposition ng mga bagong taxes.” pahayag ni Tinio sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ayon naman kay Education assistant secretary Tonicito Umali, nilabas ang joint circular base sa local government code of 1991 upang tingnang mabuti ang type of allowances na hindi na maaring i-charge sa special education fund na para lamang sa mga repair o renovation ng mga paaralan at iba pang activities.
Sa Lungsod ng Quezon lamang, P2,000 ang natatanggap na allowance ng bawat guro kada buwan.
“Meron joint circular na inilabas, kailangan lang tingnang mabuti kung anong type of allowance na hindi na maaring i-charge sa special education fund. Layunin nito ay papaano dapat gagamitin ang especial education fund nang naayon sa itinatakda ng batas, kasi may specific enumeration ang batas kung masasabi na ito po dapat allowed under the law dapat suportahan ang kanilang hinaing, ngunit kung hindi dapat tingnan, inilabas ito lamang alinsunod kung saan intended ang fund na ito hindi na para sa allowance ng mga teacher.” ayon kay Tinio sa panayam ng Radio Veritas.
Sa record ng ACT , nasa halos 136,000 ang bilang ng pampublikong guro sa Pilipinas.
Sa social doctrine of the Church, kinakailangan na ang bawat hakbang o programa ng pamahalaan, ang mga maliliit o nakararami ang tunay na mabebenepisyuhan nito sa halip na ang iilan mayayamang indibidwal.