Homily January 11, 2026
1,178 total views
Feast of the Baptism of the Lord Cycle A
Is 42:1-4.6-7 Acts 10:34-38 Mt 3:13-17
Ngayong Linggo ay ang kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus. Ang pagbibinyag kay Jesus ay may kapareho at may pagkakaiba rin sa pagbibinyag sa atin. Tayo ay binibinyagan upang matanggal ang kasalanan sa atin. Hindi ito nangyari kay Jesus. Wala naman siyang kasalanang mana. Dahil sa binyag, nagiging anak tayo ng Diyos. Si Jesus ay palaging Anak ng Diyos. Bakit ngayon si Jesus nagpabinyag? Noong makita siya ni Juan Bautista na magpapabinyag, ayaw sana siyang binyagan. Sabi ni Juan na siya pa nga ang dapat binyagan ni Jesus kasi mas matuwid siya kaysa kanya. Pero nagpumilit si Jesus kasi ito ang nararapat nilang gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos. Ang pagbibinyag kay Jesus ni Juan Bautista ay isang tanda ng pakikiisa ni Jesus sa makasalanang kalagayan ng mga tao. Wala siyang kasalanan na kailangang linisin pero ibig niyang ituring siya na makasalanan tulad nating mga tao na kanyang ililigtas. Sa pagbuhos sa kanya ng tubig hindi siya ang nilinis ng tubig, pero ang tubig ang binigyan niya ng kapangyarihan na maglinis ng ating kasalanan sa sakramento ng binyag.
Ang pagbibinyag kay Jesus ay siya ring simula ng kanyang misyon. Iniwan na niya ang kanyang personal na buhay doon sa Nazaret at nagsimula na siyang magpahayag ng Magandang Balita at magpagaling at tumulong sa mga tao. Ano ang kanyang misyon? Sinabi ito ng Diyos sa awit ng Lingkod ng Panginoon na narinig natin sa ating unang pagbasa: “Ako ang Panginoon na tumawag sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig.”
Nagpatotoo ang Espiritu Santo at ang Ama tungkol kay Jesus noong siya ay umahon sa ilog Jordan. Bumaba ang Espiritu Santo sa kanya sa anyo ng kalapati at may tinig na nanggaling sa ulap na nagsabi: “Ito ang minamahal kong anak na lubos kong kinalulugdan.” Hindi ba ito rin ang sinabi ni propeta Isaias sa ating unang pagbasa? “Ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan; ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu, at sa mga bansa siya ang magpapairal ng katarungan.”
Sa ating panahon ngayon, marami ang nananawagan ng katarungan. Pero kakaiba ang misyon na gagawin ng lingkod ng Panginoon. Hindi siya sisigaw upang marinig sa kalye. Hindi siya makikipaglaban sa mga riot police. Hindi siya magtatapon ng bato o susunog ng kotse o gulong sa daan. Banayad at mahinahon siyang magsasalita. Hindi siya magtutumba o magtatapon ng mga bagay-bagay. Ang baling tambo ay hindi nga niya puputulin at hindi niya papatayin ang aandap-andap na apoy. He is very gentle. Iba siya magpairal ng katarungan. Ang mga biktima ng pang-aapi ang kanyang tinutulungan – ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga may sakit, ang mga mahihirap na isinasantabi ng iba. Nagsimula si Jesus ng paggawa ng misyong ito noong siya ay mabinyagan.
Sana makita din natin ito sa ating binyag. Ang ating binyag ay hindi lang ang pagtanggal ng ating kasalanan. Ito ay ang simula ng ating misyon na makiisa sa misyon ni Jesus. Huwag tayo maging pabaya sa kalagayan ng kahirapan at ng pang-aapi sa lipunan. Dalhin natin ang liwanag ng kaligtasan sa mundo sa pamamagitan ng ating mabuting gawa. Madilim ang mundo dahil sa alitan. Dalhin natin ang liwanag ng pagmamalasakit sa kapwa at pagtulong sa kanila. Ito ay ang panawagan ng ating binyag.
Si Jesus ay kinilala ng Diyos Ama na kalugud-lugod sa kanya sa simula ng kanyang pagmimisyon noong siya ay bininyagan. Sa bandang huling panahon ng kanyang buhay, nanatili pa rin siyang kalugud-lugod sa Ama. Nagsalita uli ang boses mula sa langit sa pagbabagong anyo niya sa bundok ng Tabor noong siya ay papunta na sa Jerusalem para mag-alay ng kanyang sarili. Noong tayo’y bininyagan, naging kalugud-lugod din tayo sa Diyos. Tinanggal niya ang ating mga kasalanan at inampon niya tayo bilang kanyang anak. Hanggang ngayon natutuwa pa rin ba ang Diyos sa atin? Nananatili ba tayong tapat sa ating binyag hanggang ngayon na ginagawa ang kalooban ng ating Ama sa langit?
Ang pagbibinyag kay Jesus sa ilog Jordan ay isang paalaala sa ating binyag. Bagamat iba ang binyag niya kaysa binyag sa atin, ito ay may paalaala sa sariling binyag natin. Tulad ni Jesus, tayo din ay naging kalugud-lugod sa Diyos noong tayo ay bininyagan. Ang binyag ni Jesus ay ang simula ng kanyang buhay pagmimisyon. Dahil sa ating binyag may misyon din tayo sa buhay.
Makiisa tayo kay Jesus na pairalin ang katarungan sa mundo at magbigay ng liwanag sa mundo natin na balot ng dilim. Magagawa natin ito sa ating pakikiisa sa misyon ni Jesus.